Pagpapaigting sa disaster risk, impact assessment binigyang-diin ni Loyzaga

Pagpapaigting sa disaster risk, impact assessment binigyang-diin ni Loyzaga

November 4, 2022 @ 6:42 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Environment Secretery Maria Antonia Yulo Loyzaga ang pangangailangan na paigtingin ng pamahalaan ang assessment ng natural hazards at ang mga risks at impacts nito, kasunod ang malaking pinsala na dulot ng bagyong Paeng.

“Disaster risk and impact assessment, not just hazard assessment, needs to be sharpened or enhanced,” saad ni Loyzaga matapos ang pulong kasama ang mga opisyal ng Office of the Civil Defense (OCD) sa headquarters nito sa Camp Aguinaldo sa Lungsod ng Quezon noong Oktubre 30.

Ang DENR ay miyembro ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kasama ang iba pang government, non-government, civil sector at private sector organizations.

Sa pulong, sinabi ni Loyzaga na ang DENR ay makatutulong sa larangan ng kung paano pinakamabuting makalikom at maanalisa ang mga datos na mahalaga sa epektibong disaster risk at impact assessment, at sa pagtalakay ng mga paraan upang matulungan ang mga apektadong komunidad na makabangon mula sa bagyo.

Kaugnay nito sa parehong araw, sumama si Loyzaga sa isinagawang aerial inspection nina Special Assistant to the President Secretary Antonio Lagdameo Jr., Department of National Defense officer-in-charge Undersecretary Jose Faustino Jr., Social Welfare Secretary Erwin Tulfo, at Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Paeng.

Ayon sa situation report ng NDRRMC noong Oktubre 31, nagdulot ng baha ang bagyong Paeng sa 554 na lugar sa 17 regions, kung saan naapektuhan ang 1.9 milyon na Pilipino.

Samantala hinayag ni Loyzaga ang pangako ng DENR na tumulong at makipag ugnayan sa OCD sa pagbuo ng mas pinaigting na risk and impact assessment ng climate at natural hazards.

Itinalaga niya sina DENR Undersecretaries Augusto dela Peña at Joselin Marcus Fragada bilang focal persons na siyang tutulong sa OCD at iba pang ahensiya ng pamahalaan sa mga kailangang gawin sa mga susunod na araw. Inatasan din niya ang mga undersecretaries na atasan din ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) na kolektahin ang mga site reports ng landslides at pagbaha sa partikular na mga lugar.

Bunsod nito inatasan din sila ni Loyzaga na makipag-ugnayan sa Philippine Space Agency upang ma-access ang libreng imagery mula sa Copernicus—isang European program sa pag-monitor ng planetang Earth — ng mga lugar na tinamaan ng bagyong Paeng, partikular sa Mindanao at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ang mga imagery analysis data na ito, paliwanag ni Loyzaga, ay makatutulong sa kasalukuyan at hinaharap na risk reduction at management efforts, at maaari din gamitin sa pag-update ng MGB maps at analysis.

Maliban sa mga pagsisikap na ito, binigyang-diin ni Loyzaga ang paghahanda ng mga kinakailangang hakbang bago pa man ang posibleng climate hazard o natural disaster.

Iminungkahi din ng Kalihim ng DENR ang pagkakaroon ng “periodic and not only event-based” Pre-Disaster Risk Assessment, at ang pagbuo ng “early warning, early action” system. Santi Celario