Pagpapakamatay ng 5 magsasaka sa mahal na sibuyas, pinabulaanan ng alkalde

Pagpapakamatay ng 5 magsasaka sa mahal na sibuyas, pinabulaanan ng alkalde

January 21, 2023 @ 9:15 AM 2 weeks ago


BAYAMBANG, Pangasinan- Mariing pinabulaanan ni Bayambang Mayor Niña Jose-Quiambao ang pagpapakamatay ng limang magsasaka dahil sa pagkalugi ng kanilang sibuyas, iniualt kahapon sa bayang ito.

“Walang katotohanan ang kumakalat na balita tungkol sa limang magsasakang nag-suicide sa bayan ng Bayambang dahil sa pagtaas ng presyo ng sibuyas,” ani Quiambao.

Sa pahayag ng alkalde sa kanyang official Facebook page, na walang report ngayon taon mula sa Rural Health Unit at Bayambang Municipal Police Station, hinggil sa pagpapakamatay ng mga magsasaka ng sibuyas sa nasabing dahil sa pagtaas ng presyo ng sibuyas .

Ipinaliwanag ng alkalde na ang nasabing ulat na pagpapakamatay ng magsasaka ay noong Enero 2021 dahil sa mga armyworms na sumira sa mga pananim nilang sibuyas.

Kaugnay nito, inatasan na rin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pulisya na mag-imbestiga sa nasabing insidente ng pagpapakamatay ng mga magsasaka.

Nilinaw rin ng lokal na pamahalaan ng Bayambang na walang panghaharas sa mga residente habang nagsasagawa ng pag-imbestiga ang mga pulis.

Ayon kay Colonel Jeff Fanged, Pangasinan Police Provincial Director, walang panghaharas ang mga pulis laban sa mga magsasaka ng sibuyas o sa kanilang pamilya.

 “If the allegations were true, this Office will subject them for corrective measures and such actions by our colleagues will not be not tolerated,” ani Fanged.

Tiniyak din ni Fanged na mananatiling tapat ang Pangasinan-PNP sa kanilang sinumpaang tungkulin at pananagutan sa mga tao na paglingkuran at protektahan sila at ipatupad ang batas nang walang takot o pinapaboran. Mary Anne Sapico