Pagpapakawala ng tubig sa mga irigasyon, sinuspinde ng NIA-MARIIS

Pagpapakawala ng tubig sa mga irigasyon, sinuspinde ng NIA-MARIIS

September 23, 2022 @ 1:32 PM 2 days ago


RAMON,Isabela – Pansamantalang sinuspinde ng NIA MARIIS ang pagpapadaloy ng tubig pang-irigasyon sa mga pangunahing daluyan katulad Oscariz Main Canal (OMC), Magat Main Canal (MMC) at North Diversion Canal (NDC) bilang paghahanda sa parating na bagyong Karding.

Ayon sa abiso ng NIA MARIIS, ang supply canal gates at drainage gates ay nakabukas na para makatulong sa pagdaloy ng posibleng malakas na volume ng tubig dahil sa paparating na bagyo.

Patuloy rin na minomonitor ang pasok ng tubig sa ating Magat Reservoir makaraang magpalabas na rin ang PAGASA ng anunsyo bilang paghahanda sa baha sa Magat River Basin.

Ang lahat ng mga warning equipment at facilities ay gumagana upang magbigay agad ng abiso.

Kabilang ang mga empleyado sa nakatutok sa mga abiso ng PAGASA, habang sinusuri ang mga imprastrakturang pang-irigasyon, kabilang na ang mga estado ng mga pananim.

Maging ang mga drivers at heavy equipment ay laging nakahanda para tumugon sa anumang pangangailangan sa panahon ng bagyo.

Dahil dito, pinapayuhan ang lahat na maging alerto para sa parating na bagyo. Rey Velasco