Pagpapalabas ng karagdagang P1.04B COVID-19 special risk allowance oks na sa DBM

Pagpapalabas ng karagdagang P1.04B COVID-19 special risk allowance oks na sa DBM

October 4, 2022 @ 1:50 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng  Department of Budget and Management (DBM) na nagbigay na ito ng go signal para sa pagpapalabas ng  karagdagang  pondo sa Department of Health (DOH)  para sa special risk allowance (SRA)  ng mga eligible public at private health workers na kasama sa COVID-19 health care response.

Sa isang kalatas, sinabi ng DBM  na inaprubahan na nito ang pagpapalabas ng  Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng  P1.04 bilyong piso noong Oktubre 3, 2022.

Sakop ng nasabing halaga yon sa  DBM ang unpaid COVID-19 SRA claims ng 55,211 health workers, na makatatanggap ng grant na nagkakahalaga ng P5,000 kada buwan na kanilang ipinagsilbi sa panahon ng state of national emergency.

“We understand and recognize the selflessness and immense sacrifice that our health workers continue to pour out throughout these turbulent times. Isa po itong paraan sa pagkilala sa kanilang sakripisyo,” ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.

Ang mga kuwalipikadong health workers ay tumutukoy sa  medical, allied medical, at  iba pang  personnel na nakatalaga sa  mga ospital at health care facilities, at direktang nangangalaga at “in contact” sa  COVID-19 patients, persons under investigation (PUIs) o  persons under monitoring (PUMs).

Sinabi ng DBM na ang pagpapalabas ng pondo  para sa COVID-19 SRA ay alinsunod sa  Republic Act (RA) No. 11494,  mas kilala bilang Bayanihan to Recover as One Act, na may mandato  sa probisyon ng  allowances at benepisyo sa  lahat ng  public at private health workers na nangalaga at  “in contact” sa  mga pasyenteng may COVID-19. Kris Jose