Pagpapalabas ng puslit na sibuyas sa merkado, binubusisi pa ng DA

Pagpapalabas ng puslit na sibuyas sa merkado, binubusisi pa ng DA

January 5, 2023 @ 4:24 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nanindigan ang Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes na susundin nila ang batas sa pagpapalabas ng puslit na sibuyas sa merkado at sinabing sasailalim ito sa sanitation.

Inihayag ni DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez na pinag-aaralan pa nila ang panukala kung paano ipalalabas ang mga nakumpiskang sibuyas nang hindi lumalabag sa batas.

“May nagsasabi na sayang naman pero ito ay dadaan sa ating mga laws, orders, na kung ito ay ilalabas natin, dapat dumaan sa ating mga —wala dapat tayong bina-violate na laws,” ani Estoperez sa televised briefing. 

“Pangalawa, dumaan dito sa sanitary section. Yun lang naman ang kailangan natin. Ang isa pa, kumbaga iligal yan eh. Mukhang ito-tolerate natin, ilalabas sa merkado, mukhang hindi naman tama yun,” dagdag niya.

Naglalaro pa rin ang presyo ng pulang sibuyas sa P400 hanggang P600 kada kilo sa ilang pamilihan, ilang araw matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Nauna nang itinulak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagpapalabas ng puslit na sibuyas sa pamilihan upang mapababa ang presyo nito.

Kinokonsidera pa ng agriculture officials ang pagbebenta ng puslit na sibuyas sa Kadiwa stores kapag napatunayang ligtas itong kainin. Subalit, nadiskubre sa ilang sibuyas ang chemical residue at E. coli. 

Samantala, inihayag ni Estoperez na posible pa rin ang pag-aangkat ng pulang sibuyas kapag nanatiling mataas ang farmgate price nito.

Batay sa pagtataya ng Bureau of Plant Industry, pwedeng makapag-ani ang mga magsasaka ng halos 19,000 metric tons ng pulang sibuyas ngayong season.

“Kung ganito ang sitwasyon, na ang farmgate price hindi pa rin bumababa, mukhang mapipilitan pa rin tayo, sabihin natin na nag-iingat tayo sa band-aid solution na pag-import,” aniya.

“Hindi pa rin bumababa ang farmgate price. Nasa P300 pa rin… Ano gagawin ng DA? Kung hindi [matapos] ang pagtaas ng presyo na ito, ang gagawin na lang natin siguro is… ‘yung short-term solution which is importation.”

“Nag-iingat tayo gawin yan para maprotektahan, mabalanse natin… ang produksyon at ating pag-import,” dagdag ng opisyal. RNT/SA