Pagpapalakas ng CAAP, itinutulak ng senador

Pagpapalakas ng CAAP, itinutulak ng senador

January 9, 2023 @ 12:20 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Isinulong ni Senador Sonny Angara nitong Lunes na ipasa ang isang panukalang batas na naglalayong ipakilala ang mga reporma at palakasin ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Sinabi ni Angara na ang technical glitch na tumama sa air traffic management system ng bansa na humantong sa pagkagambala sa mga flight noong Bagong Taon, ay dapat maging mitsa ng pagpapatupad ng mga pangmatagalang solusyon upang maiwasan na maulit ang insidente.

“The technical glitch that took place last January 1 was a wake-up call for all of us about the need to address the gaps in our air transport systems and the CAAP is front and center in all of this, which is why we have to institute the necessary reforms to provide the agency the tools necessary to effectively fulfill its mandate,” pahayag ni Angara.

Sinabi ng senador na dapat tutukan sa Senate Committee on Public Services investigation ang dalawang punto: alamin kung sino ang may pananagutan para sa aberya at, tiyakin na handa ang mga kaukulang sistema at institusyon na tumugon sa mga katulad na pangyayari.

Itinakda ni Sen. Grace Poe, chairperson ng public services committee, ang inisyal na imbestigasyon ng Upper Chamber sa technical glitch sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Enero 12.

Bilang chairman ng Senate Committee on Finance, sinabi ni Angara na umaasa siyang matatalakay sa imbestigasyon ng Senado ang Senate Bill No. 1003, o ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang CAAP, na inihain niya noong nakaraang taon.

“We first filed the bill way back in 2018 upon the recommendation of the Safe Travel Alliance, with inputs from the CAAP,” ani Angara.

“We refiled the bill in the current 19th Congress in recognition of the need to strengthen the CAAP as part of the efforts to ensure the safety, reliability and efficiency of air transport in our country,” dagdag ng senador.

Giit ng mambabatas, kailangan nang palakasin ang batas na lumikha sa CAAP, o Republic Act 9497, na ikinasa noong 2008 upang tugunan ang mga problema sa pangangasiwa sa aviation industry ng bansa.

Batay sa panukala, dapat magdagdag ng dalawang bagong miyembro sa CAAP board: ang kalihim ng Department of Tourism (DOT) at kalihim ng Department of National Defense (DND).

Isinusulong din sa panukala na magdagdag ng dalawang kinatawan mula sa pribadong sektor sa CAAP Board. Ang Pangulo ang magtatalaga ng dalawang kinatawan. RNT/SA