Pagpapalakas ng disaster response kaysa bagong departamento, oks sa NDRRMC

Pagpapalakas ng disaster response kaysa bagong departamento, oks sa NDRRMC

July 29, 2022 @ 12:03 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes na sinusuportahan nito ang anumang hakbang na magpapalakas sa disaster response system ng bansa, sa gitna ng mga panukala para sa paglikha ng bagong departamento.

“Lahat ng paraan para mapalakas ang ating disaster management system ay suportado ng NDRRMC,” ani spokesperson Mark Timbal sa isang interbyu.

Aniya, ito ay maaaring sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kasalukuyang sistema o pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDE) gaya ng iminumungkahi ng ilang mambabatas.

“Hindi ko naman sinasabing perpekto na ang disaster management system natin but gumagana po ito the best it can be para sa ating mga kababayan,” ani Timbal.

“Kung nais ng ating Pangulo ay palakasin ito, buong suporta ang ibibigay ng NDRRMC dito sa pagkilos na ito,” dagdag pa niya.

Nauna nang nagpahayag ng suporta si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mungkahi ng kanyang kapatid na si Senator Imee Marcos, na ang bagong disaster response body ay gawin na lang na isang attached agency lamang sa ilalim ng Office of the President, sa halip na bumuo ng isang bagong departamento.

Sinabi ni Marcos na kailangan ng gobyerno na “i-disabuse” ang sarili sa ideya ng paglikha ng mga bagong departamento. RNT