Pagpapalakas sa disaster preparedness, response tututukan ng Marcos admin

Pagpapalakas sa disaster preparedness, response tututukan ng Marcos admin

November 7, 2022 @ 11:09 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Patuloy na ipa-prayoridad ng national government  ang pagsisikap na palakasin ang “disaster preparedness and response.”

Sa kanyang weekly vlog,  binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan na paghusayin pa ang local preparedness at response capacity para mapigilan at mabawasan ang epekto ng sakuna sa komunidad.

“Ang disaster response at disaster preparedness natin ay prayoridad ng ating pamahalaan na lalo pang pagandahin o palakasin,” ayon sa Chief Executive.

Aniya, ang pinagsama-samang pagsisikap ay mahalaga para bantayan ang  ecosystems,  na siyang makapagtatayo ng  climate resilience.

“Kapag may pagkakataon, ay lagi ko bini-bring up ang climate change. Hindi ito biro na. Ito ay totoong-totoo na. Kaya’t hindi makakatulong ang paglalapastangan natin sa ating mga kabundukan, ilog o dagat ,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi ng Punong Ehekutibo na mababawasan ang epekto ng climate change sa pamamagitan ng pagtatanim ng puno dahil ina-absorb nito ang carbon dioxide, ang primary greenhouse gas ay nagbubuga sa pamamagitan ng human activities.

“Malayo ang mararating ng simpleng pagtatanim ng mga puno. Ilang henerasyon ang maisasalba nito mula sa sakuna o trahedya. ‘Yan po ang tungkulin natin, hindi lang sa ating bayan, kundi sa ating kapwa tao,” dagdag na pahayag nito.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa ang Pangulo na ang  joint societal efforts  ay makatutulong sa bansa at mahaharap ng buong mundo ang  climate change. Kris Jose