Pagpapalawig ng Alert Level 3 sa ibang rehiyon ‘di pa irerekomenda ng DOH

Pagpapalawig ng Alert Level 3 sa ibang rehiyon ‘di pa irerekomenda ng DOH

January 2, 2022 @ 10:48 AM 7 months ago


MANILA, Philippines- Hindi pa irerekomenda ng Department of Health (DOH) ang implementasyon ng mas mahigpit na Alert Level 3 status sa iba pang rehiyon hangga’t hindi pa ito kinakailangan batay sa datos.

Sa isang press conference nitong Sabado, tinanong si Health Secretary Francisco Duque kung sinisilip ang posibleng nationwide expansion ng alert level status- kung saan mas maghihigpit na sa National Capital Region sa isang linggo.

Binigyang-diin ni Duque na ang mga opisyal ay “guided by metrics.”

“This is the reason primarily why we are escalating NCR (National Capital Region) from Alert Level 2 to 3, because the metrics say so,” pahayag ni Duque.

“So we cannot do that for the other regions until the figures will show that like NCR, kung mabilis ang taas o sipa ng mga kaso,” patuloy niya.

Binanggit ni Duque ang mataas na two-week growth rate at average daily attack rate sa Metro Manila- datos na aniya ay nasa ilalim na ng high-risk classification.

Ang pagbabalik sa Metro Manila sa Alert Level 3 ay kasunod ng pagkakaulat ng unang local transmissions ng Omicron variant sa bansa. Nagbabala naman ang Malakanyang nitong Biyernes ukol sa “high possibility of local transmission” ng kinatatakutang variant, base sa pinakabagong epidemiological investigation. RNT/SA