Pagpapalawig ng amnestiya sa MILF, MNLF pinag-aaralan na

Pagpapalawig ng amnestiya sa MILF, MNLF pinag-aaralan na

November 17, 2022 @ 9:36 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Magkatuwang na tinalakay ng Kongreso at Bangsamoro Parliament ang posibilidad na palawigin pa ang application for amnesty para sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).

Ito ang inihayag ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) sa isinagawang kauna unahang Philippine Congress–Bangsamoro Parliament Forum matapos maitatag ang Bangsamoro Organic Law (BOL).

Ayon sa OPAPRU, maliban sa usapin ng pagpapalawig pa sa pagbibigay ng amnesty ay natalakay din ang pagpasa sa Administrative Code, Revenue Code, Electoral Code, Local Govenrment Code, Education Code; pagpasa ng batas para sa pagsasaayos ng mga ospital sa BARMM; pagtakda ng kuwalipikasyon para sa Shari’ah circuit court judges at iba pa.

Matatandaan na ang amnesty ay ibinigay sa termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Proclamation 1090 at 1091 at nakatakda itong magtapos sa Enero 2023.

Sa panig ni Senate President Miguel Zubiri, sinabi nito na suportado ng Senado ang anumang hakbangin para sa pagsasaayos sa BARMM.

“BARMM is still in its growing stages and there remains a lot of work to do for the Bangsamoro Transition Authority which will form the foundation of the Bangsamoro government. To enable the smooth and efficient delivery of government services, and serve the people, we have to work hard on this particular Electoral Code because we don’t think we can extend any longer the Transition Authority, the people would like to vote for the representatives and members they wanted to,’’ paliwanag ni Zubiri.

Nang buoin ang Bangsamoro Organic Law ay nakapaloob dito ang pagtatag ng Philippine Congress–Bangsamoro Parliament Forum (PCBPF) na naglalayong magkaroon ng direktang linya ang Bangsamoro government sa national government.

Kasama sa naging pulong sina Inter-Governmental Relations Body (IGRB) co-chairs Budget Secretary Amenah Pangandaman, BARMM Minister of Basic, Higher, and Technical Education Mohagher Iqbal; House Speaker Ferdinand Martin Romualdez; Senators Loren Legarda, Francis Tolentino, Robin Padilla at BARMM Chief Minister Ahod Ebrajim Al Haj.

Tiniyak ni Pangandaman na may nakalaang budget para sa BARMM kung saan sa 2023 budget ay nasa P64.8 bilyon habang may P5 milyon naman para sa Special Development Fund at P4.6 bilyon pa na makokolekta mula sa tax.

Sa panig ni House Speaker Romualdez sinabi nito na ang malaking alokasyong matatanggap ng BARMM na inaprubahan ng Kamara ay upang matupad nito ang lahat ng kanilang plano ng pagpapaunlad sa rehiyon. Gail Mendoza