Pagpapalawig ng SIM registration deadline, sinisilip ng DICT

Pagpapalawig ng SIM registration deadline, sinisilip ng DICT

March 9, 2023 @ 5:13 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Binabalak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na palawigin ang pagpaparehistro ng mobile subscribers ng kanilang SIMs o subscriber identity modules lampas sa April 26 deadline.

“The DICT is looking at the possibility of an extension,” pahayag ni DICT Undersecretary Anna Mae Lamentillo nitong Huwebes.

Inanunsyo ito ni Lamentillo dahil 24.54% o 41,471,503 subscribers pa lamang ang nakapagparehistro ng kanilang SIMs mula sa kabuuang 168,977,773 subscribers sa buong bansa.

Nakapagtala ang Smart Communications ng pinakamaraming SIM registrants sa 21,115,477 o 31.05% ng kabuuang 67,995,734 subscribers.

Sinundan ito ng Globe Telecom Inc. sa 17,206,202 SIMs na nairehistro, na kumakatawan sa 19.58% ng 87,873,936 total subscribers.

Samantala, nakapagtala ang DITO Telecommunity Corp. ng 3,149,824 SIM registrations, katumbas ng 24.02% ng 13,108,103 total subscribers nito.

“The DICT has the prerogative to extend the SIM Registration process for another 120 days. We are still deliberating on the matter,” pahayag ni Lamentillo.

“Now we’re focused on increasing the number of registrants before the April 26 deadline,” dagdag niya.

Sa ilalim ng SIM Card Registration Act, na isinabatas noong October 2022, mayroong 180 araw ang mga may SIMs para irehistro ang kanilang numero, o hanggang April 26, 2023.

Nakasaad din sa batas na maaari itong palawigin ng DICT ng 120 pang araw kung kinakailangan. RNT/SA