Pagpapalawig ng state of calamity sa COVID-19 inirekomenda ng DOH

Pagpapalawig ng state of calamity sa COVID-19 inirekomenda ng DOH

September 3, 2022 @ 9:15 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na nagsumite sila ng rekomendasyon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na palawigin ang state of calamity sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa press briefing, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sinabi ng kagawaran na ginawa ang hakbang kasunod ng naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang state of calamity ay “malamang” na mananatili hanggang sa katapusan ng taon.

Ayon kay Vergeire, dahil sa anunsyo ang DOH ay nakipag-ugnayan sa NDRRMC na siyang magrerekomenda naman sa Pangulo pagdating sa state of calamity.

Aniya ipinasa na ng DOH ang kanilang mga rekomendasyon sa NDRRMC kasama ang iba’t ibang batayan bakit ito pinapalawig.

Dagdag ni Vergeire, inatasan ng Kagawaran ang Food and Drug Administration (FDA) na hikayatin ang vaccine manufacturers na mag-apply ng kanilang Certificate of Product Registration (CPR).

Sinabi ni Vergeire na bahagi ng anunsyo ni Marcos na palawigin ang state of calamity ay kailangan para amyendahan ang Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act.

“So we know that hindi siya aabot, that’s why the decision was made and we are now facilitating so that we can be able to have NDRRMC approve this and give it to the President as recommendation,” dagdag pang health OIC.

Nauna nang hinirit ni Vergeire sa Kongreso napawigin ang validity ng COVID-19 Vaccination Program Act na nagsasabing ang probisyon nito ay magiging invalid sa sandaling maalis ang state of calamity.

Sa ilalim ng Seksyon 17 ng RA 11525, ang batas ay mananatiling ganap at epektibo sa panahon ng state of calamity gaya ng idineklara sa ilalim ng Proclamation No. 1021 na may petsang Setyembre 16, 2020 na inisyu ng Pangulo ng Pilipinas.

Noong Setyembre 2021, pinalawig ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang COVID-19 state of calamity sa bansa hanggang Setyembre 12, 2022. Jocelyn Tabangcura-Domenden