Pagpapalawig ng WFH set up sa BPO, iba pang manggagawa, suportado ni Hontiveros

Pagpapalawig ng WFH set up sa BPO, iba pang manggagawa, suportado ni Hontiveros

March 18, 2022 @ 4:36 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Nagpahayag ng suporta si Senador Risa Hontiveros sa pagpapalawig ng work from home arrangement para sa mga manggagawa ng business process outsourcing (BPO) lalo pa ngayong  patuloy na tumataas ang presyo ng langis.

“I support the extension of the work from home arrangement for workers especially now that we are in the middle of an oil price crisis,” ani Hontiveros.

Ang pahayag ng senador ay dahil sa pagtanggi ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB) na palawigin ang remote work arrangement para sa mga BPO. Kung sakaling hindi sumunod ang mga kumpanya, nanganganib na bawiin ang kanilang tax incentives na maaaring makapinsala sa kanilang negosyo at lalong maantala ang kanilang recovery.

Ayon kay Hontiveros, maaari namang baguhin ng FIRB  ang mga alituntunin pagdating sa tax incentives. Idinagdag niya na mas makatwirang hayaan ang mga manggagawa ng BPO na magpatuloy sa work-from-home set-up upang makatulong sa pag-iwas sa epekto ng tumataas na gastos sa transportasyon.

“Dapat bigyan ng option ang mga manggagawa na kung kakayanin ay sa bahay na lang muna mag-trabaho para makatipid sila sa gastos sa pamasahe at maibsan ang pagod sakaling babyahe. Sa panahong ito, kailangan ng leniency pagdating sa pagpapatupad ng polisiya para sa ikabubuti ng mga manggagawa,” sabi ni Hontiveros.

Sinabi rin ni Hontiveros na mali ang pahayag ng Finance Department na ang pagbabalik sa opisina ng mga empleyado ng BPO ay makatutulong sa muling pagbuhay ng economic demand na bunga ng kanilang paggastos.

“Hindi naman mababawasan ang konsumo ng BPO workers kahit saan sila nagtatrabaho. Gagastos sila at gagastos nasa bahay man o on-site magrereport. Mas lugi pa nga na gagastos sila sa gasolina o pagko-commute imbes na pandagdag na lang sa iba pa nilang essential needs sa bahay. Magkakaoras pa nga silang ipasyal ang pamilya nila dahil mababawasan ang puyat nila,” ani Hontiveros.  Ernie Reyes