Pagpapalawig sa number coding scheme ‘di pa kailangan – MMDA

Pagpapalawig sa number coding scheme ‘di pa kailangan – MMDA

March 25, 2022 @ 7:24 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Tinanggihan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes ang mga panawagan na palawigin ang number coding scheme sa gitna ng pagluluwag sa mga restriksyon, at sinabing hindi pa ito kinakailangan sa kasalukuyan.

Iginiit ni MMDA Director Neomie Recio na hindi pa bumabalik sa pre-pandemic levels ang bilang ng mga sasakyan na bumabaybay sa  Metro Manila.

Subalit dahil sa mabigat na daloy ng trapiko, ipinatupad ng MMDA noong Nobyembre 2021 ang number coding scheme tuwing weekdays, maliban sa mga holiday, mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.

“Based on our data, this is not the right time na mag-expand tayo kasi based doon sa volume and sa travel time, travel speed na nakukuha ng travel engineering center ng MMDA, still manageable yung traffic and hindi pa naman tayo bumabalik sa pre-pandemic na sitwasyon natin,” pahayag ni Recio sa public briefing.

“Of course we are preparing for the coming of the new normal kapag ang trapiko ay nag-worsen, ano-ano pa bang measures na ginagawa natin dati,” patuloy niya.

Aniya, isa sa mga rason ng pagliit ng bilang ng mga sasakyan sa daan ay ang mataas na presyo ng langis.

Sa kabila nito, maaari pa rin umanong makaranas ng mabigat na daloy ng trapiko, kung kaya ayon sa kanya, gumagawa ng paraan ang MMDA upang makontrol ang mga sasakyan, kabilang na ang pagbabalik sa motorcycle lane.

“Tumaas yung volume ng motorsiklo and ang pinag-uusapan ngayon is ibabalik na ba yung motorcycle lane na panghuhili namin. Noong pandemic nag-lay low kami kasi kakaunti naman yung sasakyan noon,” aniya.

“Hindi kami nanghuli ng mga nagva-violate ng motorcycle. Ngayon medyo umaangat-angat yung trapik, then iniisip namin kung ibabalik [yun],” paglalahad pa niya. RNT/SA