Pagpapalawig sa state of calamity, irerekomenda ng DOH

Pagpapalawig sa state of calamity, irerekomenda ng DOH

November 15, 2022 @ 5:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Irerekomenda ng Department of Health ang pagpapalawig ng state of calamity para sa COVID-19 sa bansa para sa susunod na taon sakaling tanggihan ng Kamara ang panukalang batas nito sa public health emergency.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, hihikayatin ng ahensya ang Office of the President na palawigin muli ang state of calamity, na nakatakdang mag-expire sa Disyembre 31.

“The option really is for us to extend the state of calamity or file another bill na konti lang ‘yung nakalaman and specific lang siya dito sa mga requirements natin if the state of calamity will not be extended,” sabi ni Vergeire sa DOH press briefing.

Hinimok ng DOH ang mga mambabatas na ipasa ang Public Health Emergency for Emerging and Reemerging Disease Bill at isang panukalang magtatatag ng Philippine Center for Disease Prevention and Control.

Bahagi aniya ng mga panukala na kahit walang state of calamity decalration o public health emergency declaration ay maari pa ring ipagpatuloy ang pagpapatupad ng vaccination program.

“We can still do expedited procurement. We can still do the other things we are doing right now for this pandemic,” ayon kay Vergeire.

Noong Marso 2020, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 922, na nagdeklara ng state of public health emergency sa bansa dahil sa coronavirus outbreak.

Pinalawig naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang state of calamity sa buong bansa hanggang sa katapusan ng taon nang siya ay maupo bilang Pangulo ng bansa.

Mula nang magsimula ang pandemya, ang Pilipinas ay nakapagtala ng mga apat na milyong impeksyon sa coronavirus, kung saan humigit-kumulang 64,000 ang humantong sa kamatayan.

Noong Nob. 14, ang bansa ay may 19,821 aktibong kaso ng COVID-19. Jocelyn Tabangcura-Domenden