Pagpapalawig sa termino ng mga barangay, SK execs, aprub kay Imee

Pagpapalawig sa termino ng mga barangay, SK execs, aprub kay Imee

September 19, 2022 @ 5:37 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Pabor si Senador Imee Marcos na palawigin ang termino ng opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan mula sa tatlong hanggang anim na taon.

Sa pahayag, sinabi ni Marcos, chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, na pabor din siyang ipagpaliban ang halalan sa Disyembre 2022 sa Mayo 2023, o isang taon pagkatapos ng national elections nitong Mayo.

Dahil dito, iminungkahi ni Marcos na gawing anim na taon ang termino ng barangay at SK officials upang makatipid.

“Kada eleksyon na lang, pinapaliban na ‘yang barangay at SK election. Napapaisip tuloy ako na talagang may problema sa termino ng ating mga barangay officials. Palagay ko, medyo maikli masyado ang three years sa totoo lang,” aniya.

“Ang reyalidad, halos five years naman talaga ang sineserve nila dahil postpone tayo nang postpone, at ang alam natin na ang barangay, mahirap ang trabahong ‘yan [dahil] 24/7 silang nakatutok sa lahat ng programa at proyekto ng gobyerno, so importante talaga na kabisado nila,” dagdag ng senador.

Nitong Agosto, inihain hni Marcos ang Senate Bill No. 1195 upang amendahan ang

Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code Of 1991, dahil may pangangailangan na palawigin ang termino ng barangay sa anim na taon upang matiyak ang “continuity at stability” ng kanilang plano at programa.

Aniya, pabor din sa pagpapaliban ng naturang halalan ang Pangulo na pangako nito sa nakaraang kampanya.

Pero, sinabi pa ng mambabatas na kailangan ipagpaliban ang halalan dahil ikinokonsidera ang pondo matapos malaman ni Interior Secretary Benhur Abalos ang impormasyon mula sa Commission on Elections (Comelec) na P18 billion ang kailangan para sa 2022 BSKE kung ipagpapaliban.

“Tinatanong ko, ang sabi niya (President Marcos) ipo-postpone, napangako niya raw sa mga barangay. Sabi ko walang problema ‘yun kasi kaibigan naman natin ang mga barangay, pwede natin talagang i-postpone, so ipo-postpone,” aniya.

“Noong nalaman nina Secretary Abalos na P18 billion ang hinihingi ni Chairman Garcia, medyo nasindak sila. So, tignan natin kung ano ang final decision pati ‘yung date sa December,” dagdag ng senador. Ernie Reyes