Pagpapalaya kay de Lima nasa kamay ni PBBM – Lagman

Pagpapalaya kay de Lima nasa kamay ni PBBM – Lagman

October 12, 2022 @ 2:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hawak pa rin ni Pangulong Bongbong Marcos ang huling baraha para mabasura ang kaso at mapalaya si dating Sen Leila de Lima, ayon kay Albay Rep Edcel Lagman.

Ang pahayag ay ginawa ni Lagman kasunod ng pahayag ni Pangulong Marcos na hindi sya manghihimasok sa kaso ni de Lima dahil nakabinbin ito sa korte.

“President Ferdinand Marcos, Jr. is perfectly correct in desisting from meddling with the courts in the cases of former Senator Leila de Lima,” ani Lagman.

Sa kabila nito, may paalala ang kongresista at sinabing nananatiling hawak ni Marcos ang baraha para sa kaso ng dating senador.

“He (President Marcos) must be reminded that while the adjudication of criminal cases belongs to the judiciary, the prosecution of such cases is an executive function under his control and supervision pursuant to the Constitution,” paliwanag ni Lagman.

Aniya, hindi rin maituturing na pakikialam sa korte kung ipag-uutos ng Pangulo sa mga prosecutors na ibasura ang kasong kriminal laban kay de Lima dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya, giit ni Lagman na ang dalawang nalalabing kaso laban sa dating senadora ay bumaligtad na ang mga testigo at binawi ang kanilang mga naunang testimonya.

Dahil sa takbo ng kaso ni de Lima ay maaari nang atasan ang mga prosecutors na bawiin na ang pagtutol na makapagpiyansa si de Lima dahil ang ebidensya ng guilty laban dito ay hindi naman malakas para madiin sa drug case.

Binigyang diin pa ng mambabatas na hindi aniya maituturing na “flight risk” ang dating kalihim ng Department of Justice gaya ni dating Senador Juan Ponce Enrile na binigyang pagkakataon ng Supreme Court na makapagpiyansa sa gitna ng kinakaharap na plunder cases dahil sa pangakong haharapin ang kaso bukod pa aniya sa ito ay matanda na at mahina na ang katawan.

“The ruling of the High Court in Enrile was based not so much on the quantum of evidence against him or the enormity of the punishment for his criminal offense but principally because he was not a flight risk,” paliwanag ng kongresista.

Tinukoy pa ni Lagman na si Enrile ay pinapagpiyansa ng korte nang ito ay mapasailalim sa hospital custody samantalang si De Lima ay nakakulong na ng limang taon dahil sa umano’y “fabricated drug charges.”

Naunang inanunsyo ni Office of the Press Secretary Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Atty. Cheloy Velicaria-Garafil na ipinauubaya na ng pangulo sa mga abogado ni de Lima ang magmosyon sa korte.

“Ang mga kaso po ni De Lima nasa korte na. So hayaan na lang po natin ang mga abogado niya to make the proper motion and the President cannot and will not intervene in any case that’s already with the courts,” ani Velicaria-Garafil.

Ito ay matapos maganap ang pangho-hostage kay de Lima ng isang preso na kalaunan ay napatay din sa Custodial Center ng Philippine National Police sa Kampo Crame. Meliza Maluntag/Gail Mendoza