Pagpapalaya sa mga PDL edad 70 pataas, pinag-aaralan na ng BuCor

Pagpapalaya sa mga PDL edad 70 pataas, pinag-aaralan na ng BuCor

November 27, 2022 @ 2:17 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang posibilidad ng pagbibigay ng executive clemency sa mga persons deprived of liberty (PDLs) edad 70-taong gulang pataas.

Ito ay bahagi na rin ng pagpapaluwag o decongestion process sa mga piitan.

Ayon kay BuCor officer-in-charge General Gregorio Catapang Jr. nitong Linggo, Nobyembre 27 sa panayam ng DZBB, sinabi niya na ang ganitong hakbang ay pinayagan sa panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

“Under the law daw, panahon ni President GMA, may batas siya o executive order na inisyu na lahat ng 70 years old up ay [bigyan] na ng parole o palayain na kahit papa’no kasi sabi nila, 70 years old, hindi na makakaisip ‘yan gumawa ng krimen,” aniya.

“‘Yan, pinag-aaralan din namin para ma-decongest din ang BuCor,” dagdag ni Catapang.

Kamakailan ay sinabi ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Mico Clavano na prayoridad ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang pagpapaluwag sa mga piitan sa ilalim ng BuCor.

Dagdag pa, tinitingnan din ni Remulla ang posibilidad ng paglilipat ng maximum security ng NBP sa Sablayan Prison sa Occidental Mindoro at minimum security naman sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.

“Mayroon tayong rehab sa Fort Magsaysay na hindi naman nadalhan ng mga ano…May dalawang bay daw doon, siguro saan kasya na mga 1,000 to 1,500 bawat bay. Ang utos ni Secretary Remulla naman diyan, dalhin doon ang matatanda na… ‘Yung naghihintay na lang ng laya.” RNT/JGC