Pagpapaliban ng fuel excise tax muling ipinanawagan

Pagpapaliban ng fuel excise tax muling ipinanawagan

October 9, 2022 @ 2:03 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Muling ipinanawagan ng ilang transport groups ang suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ito ay kaugnay ng napipinto na naman malakihang taas-presyo sa gasolina at diesel sa susunod na linggo.

Ayon kay Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) president Ricardo Rebaño, sila ay nakikiusap sa pamahalaan na suspendihin muna ang fuel excise tax ng tatlo hanggang apat na buwan.

Idiniin ni Rebaño na mas mainam na ito kaysa humiling ulit sila ng dagdag singil sa pamasahe na ang mapupuruhan ay mga mananakay.

“Kahit ilang buwan lamang po hanggang sa ganito ang sitwasyon ng petroleum products, tumataas nang tumataas, siguro another suspensyon ng excise tax ang kinakailangan namin para naman magkaroon ng win-win solution itong diranaras naming problema kesa naman ma-tengga na naman ang public transport,” aniya sa panayam ng DZBB.

Maliban sa suspensyon ng fuel excise tax, hiling din ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) national president Mody Floranda na repasuhin at amyendahan ang Oil Deregulation Law at TRAIN Law.

“Talagang kailangang rebisahin ng gobyerno ang mga probisyon sa ilalim ng Oil Deregulation Law, ng TRAIN Law, ng e-vat, at excise tax sa produktong petrolyo sapagkat malinaw naman na hindi naman tayo lingguhan o buwanan umaangkat ng produktong petrolyo sa international market, kundi batay sa sinasabi ng Department of Energy,” paliwanag ni Floranda.

Suhestyon niya rin na magkaroon sana ng summit upang mapag-usapan ang mga solusyon upang matugunan ang krisis sa mataas na presyo ng petrolyo sa bansa.

Matatandaan nauna nang nagpaabot ng pagtutol ang Department of Finance at sinabing ang pagsuspinde sa tax sa produktong petrolyo ay hindi ang pinakamainam na solusyon upang mapabuti ang kondisyon ng mga apektadong sektor. RNT/JGC