Pagpapaliban ng LTFRB sa jeepney phaseout, pinuri ni Bong Go

Pagpapaliban ng LTFRB sa jeepney phaseout, pinuri ni Bong Go

March 2, 2023 @ 1:39 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pakikinig sa mga pakiusap ng ordinaryong Pilipino sa pamamagitan ng pagpapasya na ipagpaliban ang pag-phase out sa mga tradisyunal na jeepney mula Hunyo 30 hanggang Disyembre 31 ng taong ito.

“Alinsunod po sa advice ni (Department of Transportation Secretary) Jaime Bautista at alinsunod sa pahayag ng ating Pangulong Bongbong Marcos, in-extend po namin ‘yung consolidation po ng mga modern jeepneys from June 30 to the end of December 2023. Ito po ay bilang pagtugon sa kahilingan po ng transport sector,” sabi ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III sa press briefing nitong Miyerkules.

Matatandaang umapela ang mga senador, kabilang si Go, sa LTRFB sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 507, na tulungan ang mga tsuper na maka-adapt sa mga pagbabagong minamandato ng bagong polisiya sa pamamagitan ng pag-delay sa jeepney phase-out habang hindi nagkakaroon ng resolusyon sa isyu.Ang resolusyon ay pangunahing isinulat at itinaguyod ni Senator Grace Poe na siyang tagapangulo ng Senate Committee on Public Services. Ito ay pinagtibay ng Senado noong Martes.

Nakasaad dito na dapat munang tugunan ng LTFRB ang mga lehitimong isyu na inihahain ng mga apektadong driver at operator hinggil sa financial feasibility ng programa.

“Maraming salamat sa LTFRB sa inyong pakikinig sa hinaing ng ordinaryong Pilipino lalo na sa ating mga driver at mga commuters. Maraming salamat na binigyan ninyo ng pansin at agarang aksyon ito dahil alam natin kung gaano karaming Pilipino na nagsusumikap pang makabangon mula sa hirap na dulot ng pandemya ang maaapektuhan nito,” ani Go.

Nilinaw naman ng senador na hindi siya lubos na tutol sa Public Utility Vehicle (PUV) modernization program, lalo kung isasaalang-alang ang pangmatagalang benepisyo nito para sa bansa.

“While we understand the need to evolve given newer challenges of the environment, climate change and the economy, let us not transfer the burden to the poor who need our help,” sabi ng senador.

“Palagi nating unahin muna ang kapakanan at interes ng mga mahihirap,” idiniin niya.

Sinabi niya na sa pagbabagong idudulot ng modernisasyon ng jeepney, kailangang unawain muna ang mga tsuper hanggang sa makaluwag sa kanilang badyet para makabili ng mga bagong transportasyon.

Inamin niya ang pangangailangan ng modernisasyon para sa kaligtasan ng pasahero ngunit karamihan sa mga driver ay walang kakayahang pinansyal na makabili ng mga bagong sasakyan sa ngayon.

“Lalo na ngayon, ‘di pa tayo tapos sa krisis na dulot ng COVID-19. ‘Wag po nating papabayaan ang ating mga jeepney drivers na karamihan po ay mahihirap,” ayon sa mambabatas.

Sinabi ng senador na napahalaga ng jeepney sa pang-araw-araw na pagbibiyahe ng mga Pilipino sa pagsasabing ito ay bahagi na ng kultura ng Pilipinas at simbolo ng bansa.

Nilinaw din ni DOTr Secretary Bautista na ang modernization program ay ipatutupad lamang sa mga kuwalipikadong lugar o may mga moderno nang PUJ. RNT