Pagpapaliban ng SK Election lusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara

Pagpapaliban ng SK Election lusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara

September 14, 2022 @ 1:38 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sa pamamagitan ng viva voce voting ay ipinasa sa ikalawang pagbasa ng Malaking Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 4673 o ang panukalang nauukol sa paglilipat ng petsa ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections tungo sa 2023.

Ang panukalang ito ay naglalayong mabigyan ng sapat na panahon ang Commission on Elections (COMELEC) maging ang local government units na mapaghandaan ang eleksyon gayundin ang gobyerno upang maisaayos na rin ang tamang adjustment sa honoraria ng mga poll workers.

Kapag ito ay naging ganap na isang batas, ang eleksyong nakatakda sa December 5, 2022 o ngayong taong ito ay maililipat sa unang Lunes ng December 2023 at tuwing ikatlong taon pagkatapos nito.

Ito ay nangangahulugan na ang mga incumbent barangay at SK officials ay mananatili sa kani-kanilang opisina o posisyon hanggang sa susunod na eleksyon kung hindi man maalis o masuspendi.

Si Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairperson at Mountain Province Rep. Maximo Dalog Jr. ang tumayo sa plenaryo upang ipresenta sa mga kongresista ang panukala at masimulan ang debate ukol dito.

Agad namang nagpahayag ng kaniyang pagtutol si Albay rep. Edcel Lagman sa pagkakapasa ng panukalang pagpapaliban sa Barangay at SK eleksyon dahil maituturing aniyang unconstitutional ang dahilan na ang pondo dapat sana ay para sa halalang ito na P7 bilyon hanggang sa P8 bilyon ay gamitin sa pandemic response at sa pagbangon ng ekonomiya mula sa pagkalugmok dulot ng pandemya.

“ The aforesaid reason is utterly unconstitutional because the COMELEC enjoys fiscal autonomy which includes a prohibition that any appropriations released to the COMELEC cannot be countermanded by the Executive and utilized for other purposes. The remaining unused funds will constitute a continuing appropriation under the sole jurisdiction of the COMELEC.”

Bukod aniya dito ay mismong COMELEC ang nagsabi na handa ito tuparin ang gampanin matuloy man ang eleksyon sa December.

“No less than COMELEC Chairman George Garcia relayed to legislators that a postponement of the barangay elections to December 2023 will be a costly exercise because additional funds would be needed to the tune of P18.358-B constituting the P7.5-B savings as continuing appropriation and an additional budget of P10.858-B.”

Giit pa ni Lagman na hindi dapat mapilayan ng karapatan ang mga botante sa pamamagitan ng pamalagiang pagpapaliban ng barangay at SK elections dahil ang eleksyon aniya ang sandigan ng isang demokrasyang pamahalaan. Meliza Maluntag