Pagpapaliban ng SSS, Pag-IBIG premium raise, hirit ng solon kay PBBM

Pagpapaliban ng SSS, Pag-IBIG premium raise, hirit ng solon kay PBBM

January 3, 2023 @ 7:10 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Dapat ding iatas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagpapaliban sa pagtataas ng members’ contribution sa Social Security System (SSS) at sa Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund), ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro nitong Martes.

Ito ang naging panawagan ni Castro kasunod ng direktiba ng Pangulo na suspindehin ang premium hike na nakatakdang ipatupad ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) dahil sa “socioeconomic challenges.”

“I think we can cite the same reason to also defer the premium hikes of the SSS and the Pag-IBIG Fund. Inflation is still rising, with the first week of 2023 ushering in a big time oil price hike and a staggering increase in water and power rates,” pahayag ni Castro, representative ng party-list Alliance of Concerned Teachers (ACT).

Sinabi ng mambabatas na pwedeng iutos ng Palasyo sa board of directors ng SSS at PAGIBIG na ipagpaliban ang kanilang contribution hikes dahil kailangan ng mga manggagawang Pilipino ang kada pisong kinikita para pakainin ang kanilang mga pamilya.

“Sa pagtataas ng premium rates ay parang inaagawan pa ng SSS at PAGIBIG ang mga pamilya ng manggagawa ng kanilang pagkain,” ani Castro.

“Sana ay makinig ang Malacañang at ang pamunuan ng SSS at PAGIBIG para di na sila makadagdag pa sa hirap ng mga mamamayan sa ngayon,” patuloy niya.

Bago ang suspensyon, nakatakdang itaas ang PhilHealth premium rate sa 4.5% mula 4%, na nangangahulugang madaragdagan ng P50 ang bayad ng lowest earning members bukod sa P400 monthly contribution.

Itinaas ng SSS mula Enero 1, 2023 ang contribution rate sa 14% mula sa 13%.

Habang nakatakdang magkasa ng konsultasyon ang Pag-IBIG Fund ng konsultasyon sa mga employer at labor group bago magpatupad ng anomang taas-kontribusyon. RNT/SA