Pagpapaliban sa barangay, SK polls nakasalalay kay Marcos – Zubiri

Pagpapaliban sa barangay, SK polls nakasalalay kay Marcos – Zubiri

July 19, 2022 @ 7:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Maghihintay ang Senado sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bago isabatas ang panukalang ipagpaliban o hindi ang 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) polls ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Martes.

“Let’s await the SONA speech of the president for guidance on the issue. I believe may comment siya on the [barangay] elections in his speech. That will help guide [as] to what action to take on the matter. One week na lang,” ayon kay Zubiri sa text message sa reporters.

Ipinahayag ito ni Zubiri matapos hilingin ni Comelec acting spokesperson Rex Laudiangco sa Kongreso na magdesisyon kaagad hinggil sa bagay na ntio dahil naghahanda na ang poll body sa naturang halalan na gaganapin si Disyembre 5.

Inihayag ni Senador Francis “Chiz” Escudero, na naunang naghain ng panukalang ipagpaliban ang 2022 barangay at SK elections na kanyang tatanungin ang liderato ng Senado na kaagad talakayin ito at pagbotohan kaagad.

Naunang ipinahayag ni Laudiangco na umaasa ang poll body na kaagad magdedesisyon ang Kongreso sa batas upang maipatigil ang preparasyon hinggil dito.

“We’re just hoping and praying that if indeed any republic act will come out, it should come soon. The soonest possible time so that we could postpone any other procurements that we have not concluded,” ayon kay Laudiangco.

Kanyang ipinaliwanag na patuloy na susundin ng Comelec ang itinakda sa Republic Act 11462 o batas na nagpaliban sa May 2020 Barangay at SK polls maliban na lamang kung magkakaroon ng panibagong batas.

“Our preparations, such as the voter registration, promulgation of resolutions regarding the Barangay and SK polls, and the procurement of all goods and services, will not go to waste,” aniya. Ernie Reyes