Pagpapalit ng liderato sa AFP alam ni Faustino – Malacañang

Pagpapalit ng liderato sa AFP alam ni Faustino – Malacañang

January 11, 2023 @ 7:52 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Malacañang nitong Martes, Enero 10 na alam ni dating Department of National Defense (DND) officer-in-charge Jose Faustino Jr. ang patungkol sa biglaang pagpapalit ng liderato sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ang tugon na ito ng Palasyo ay makaraang sabihin ni Faustino na nagbitiw siya sa pwesto nang malaman niya ang tungkol sa panunumpa ng bagong AFP chief mula sa mga balita at social media.

Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, mayroong “sole prerogative” si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga ng chief of staff ng AFP.

“According to Executive Secretary Lucas Bersamin, former DND OIC Jose Faustino Jr. knew of the developments with regard to the appointment of Gen. Andres Centino, who is the only four-star general in the AFP,” ani Garafil.

Matatandaan na sa naunang pahayag ni Faustino, nagbitiw siya sa pwesto upang protektahan ang reputasyon ng AFP sabay sabing: “cannot allow the AFP’s reputation to be tarnished, maligned, or politicized.”

Kasunod ito ng pagtatalaga ni Marcos kay Centino bilang AFP chief, kapalit ng initial appointee na si Lieutenant General Bartolome Bacarro.

Itinalaga rin ng Pangulo si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Carlito Galvez Jr. bilang DND secretary, kapalit ni Faustino.

Maliban dito, siyam iba pang opisyal ng DND ang nagpasa ng kanilang courtesy resignation. RNT/JGC