Pagpapalit ng pangalan ng NAIA, ‘di kailangan; ‘Paalala ito ng People Power Revolution’ – Hontiveros

Pagpapalit ng pangalan ng NAIA, ‘di kailangan; ‘Paalala ito ng People Power Revolution’ – Hontiveros

July 7, 2022 @ 6:36 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hindi na kailangan pang palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na ipinangalan kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Sr., dahil isa itong democracy icon na nagbibigay paalala sa Filipino hinggil sa 1986 People Power Revolution.

“Hindi na kailangang palitan ang pangalan ng NAIA,” ayon kay Hontiveros sa text messages na ibinahagi sa reporter hinggil sa hakbang sa House of Representatives na palitan ang NAIA bilang Ferdinand E. Marcos International Airport.

“[H]indi dapat burahin ang mga pamana at paalala sa atin ng People Power. Isinabatas na NAIA ang magiging pangalan ng airport bilang paalala sa buong mundo sa kabayanihan ni Ninoy Aquino at ng lahat ng mga Pilipino noong panahon ng People Power Revolution,” dagdag niya.

“Ang kamatayan ni Ninoy sa airport na yan ang isa sa nagsilbing mitsa sa pagpapabagsak ng diktatura at sa tuluyang pagkakaisa ng bansa tungo sa demokrasya,” giit pa niya.

Sinabi pa ni Hontiveros na hindi nalilito ang mga Filipino at dayuhan na bumibisita sa Pilipinas sa kasalukuyang pangalan ng kasalukuyang main airport.

“[M]aging mas malinaw sana ang batayan ng mga panukala. Napakahaba ng panahong gugugulin ng mga panukalang ito sa Kongreso, kaya dapat ay sulitin nating mga mambabatas ang panahon na yan para sa mga panukalang mas tutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino,” aniya.

Sa paghahain ng House Bill No. 610, sinabi ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr. na angkop na palitan ang NAIA sa Ferdinand E. Marcos Sr., ama ng bagong Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Marcos Sr. has “contributed to the idea and execution of the said noble project,” ani Teves.

Bukod sa panukala ni Teves, naghain din si Duterte Youth Party-List Representative Drixie Mae Cardema ng House Bill 1253 na gawing MIA ang NAIA.

“The name of the international gateway of the country should have not been politicized in the first place,” ani Cardema.

Noong 1987, ipinangalan ang dating Manila International Airport bilang Ninoy Aquino International Airport sa pamamagitan ng Republic Act No. 6639 sa panahon ni dating Panguylong Cory Aquino. Ernie Reyes