Pagpapalit ng pangalan ng NAIA ‘di prayoridad ni PBBM

Pagpapalit ng pangalan ng NAIA ‘di prayoridad ni PBBM

September 15, 2022 @ 2:28 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi prayoridad ng administrasyong Marcos ang palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport.

Sa isang panayam kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng TV host-vlogger Toni Gonzaga na inere sa AllTV channel, sinabi ng Pangulo na hindi siya masigasig na pagbigyan ang panukalang palitan ang itinuturing na “main gateway” ng Pilipinas, mas kilala sa buong mundo bilang Manila International Airport (MIA).

“I haven’t actually thought about it. Well, we are known around the world as MIA, Manila International Airport,” ayon kay Pangulong Marcos nang tanungin kung pabor siyang palitan ang pangalan ng NAIA.

At sa tanong kung prayoridad niya ang nasabing panukala, sinabi ni Pangulong Marcos na “No, not at all. Not at all.”

“I have no strong feelings about it. I mean if people want to rename the airport and if we get public support for it, then yes go ahead. If not, then no,” dagdag na pahayag nito.

Sa ulat, isang panukalang batas ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at gawing Ferdinand E. Marcos International Airport.

Sa House Bill No. 610 na inihain ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr., ipinaliwanag niya na, “it is more appropriate to rename it (NAIA) to the person who has contributed to the idea and execution of the said noble project.”

Idinahilan din ng mambabatas na ang paliparan ay nagawa sa panahon ng termino ni Marcos Sr, ama ng bagong pangulo na si “Bongbong” Marcos Jr.

Dating Manila International Airport (MIA) ang pangalan ng naturang paliparan. Pero noong 1987, pinalitan ito at ginawang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pamamagitan ng Republic Act No. 6639.

Nangyari ang pagpapalit sa panahon ng panunungkulan ni dating pangulong Cory Aquino, asawa ni dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.

Ipinangalan kay Ninoy ang MIA, kasunod ng nangyaring asasinasyon sa dating senador sa naturang airport noong Agosto 21, 1983, matapos umuwi ng Pilipinas mula sa ilang taong pagkaka-exile sa Amerika.

Si Ninoy ay lider ng oposisyon at kilalang kritiko ng rehimen ni Marcos Sr., na napatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng EDSA People Revolution noong 1986.

“It is more appropriate that it would bear the name of the person who has contributed and left a legacy that makes the Philippines a center of international and domestic air travel, who has instituted and built or conceptualized the project making it the pride of our country,” sa ni Teves sa panukala. Kris Jose