Pagpapaluwag sa Marikina river, sinimulan na ng Task Force Build Back Better



Pagpapaluwag sa Marikina river, sinimulan na ng Task Force Build Back Better

February 17, 2021 @ 3:28 PM 4 months ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Upang makarekober ang mga komunidad na tinamaan ng malalakas na bagyo patuloy ang paggawa ng hakbang ng government task force para sa rehabilitasyon at “post-recovery initiatives” simula nang itatag may tatlong buwan na ang nakalilipas.

“In the months since we set out to work in November last year, we have now set into motion significant post-disaster recovery initiatives in three priority geographic areas involving the restoration of Cagayan, Marikina, and Bicol river basins,” sabi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary at Task Force Build Back Better (TFBBB) chair Roy A. Cimatu.

Ayon sa DENR noong Pebrero 2 nang pangunahan nina Cimatu at TFBBB co-chairperson, Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark A. Villar ang ceremonial dredging ng sandbars sa kahabaan ng Magapit Narrows at pagtatanim ng kawayan sa riverbank ng Baragany Bangag, Lal-lo, Cagayan.

Sinabi pa ng DENR ang unang bahagi ng dredging operation ay layuning maalis ang tatlong prayoridad na sandbars sa kahabaan ng Magapit Narrows na siyang nagiging dahilan upang mapigilan ang maayos na daloy ng tubig sa Aparri Delta papunta sa Babuyan Channel. Ang sandbars ay may kabuuang 235 hectares at may volume na seven million cubic meters.

Base na rin sa pinakahuling ulat ng TFBBB, umabot na sa 10,000 cubic meters ng buhangin at burak ang natanggal sa Magapit Narrows sa Barangay Bangag at Fugu sandbar sa Barangay Dummun.

Sa pakikipagtulungan na rin ng Technical Education and Skills Development Authority ay sinanay ang mga lokal na residente upang maging laborers at equipment operators upang makatulong sa ginagawang dredging operations.

Sinabi pa ng DENR na bukod sa ginagawang rehabilitasyon ng Cagayan River ay isinama na rin ng DENR ang Department of Labor and Employment (DOLE) upang mabigyan ng pagkakakitaan ang 120 local residents para sa pagtatanim at pag-aalaga ng puno ng kawayan sa Tuguegarao City at sa mga bayan ng Alcala, Enrile at Gattaran.

Ito ay sa pamamagitan ng “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng DOLE.

Idinagdag pa nito sa kasalukuyan ay umabot na sa 3,672 bamboo seedlings ang naitanim sa 18 ektarya sa kahabaan ng riverbank ng Cagayan River.

Sinimulan na rin ng TFBBB ang pagsasaayos ng forest protection activities sa Region 1 (Ilocos Region), Region 2 (Cagayan Valley), at Cordillera Administrative Region sa pamamagitan ng tripartite memorandum of agreement na nilagdaan ng DENR regional offices sa mga nabanggit na lugar noong Pebrero 5.

SAMANTALA, inumpisahan na rin ng task force ang pagpapalawak at dredging ng ilang bahagi ng Marikina River nitong Pebrero 17.

Sinabi pa ng DENR na ang pilot dredging ay sinimulan sa bahagi ng ilog malapit sa Marcos Highway sa Barangay Kalumpang habang isinabay na rin ang simultaneous bamboo planting activity sa gilid ng ilog sa Barangay Industrial Valley Complex, kapwa sa Marikina City.

Ayon kay Cimatu, ang naisaayos na riverbanks ay tataniman ng kawayan upang maiwasan ang riverbank erosion at siltation na isa sa ginawang istratehiya ng TFBBB sa rehabilitasyon ng Cagayan River.

Sinabi pa ng DENR chief na patuloy ang pagsisikap upang masimulan ang dredging at desilting sa Bicol River at Lake Bato kabilang na din ang rehabilitasyon ng floodgates at ilog sa paligid ng Mayon Volcano.

Ipinaliwanag pa nito na ang dredging program sa Marikina River at Bicol River ay sasamahan ng “nature-based solutions” kabilang na dito ang pagtatanim ng kawayan at pagpapatatag sa river banks.

“We are also looking at the development of bamboo plantations so we can provide livelihood opportunities to communities in outlying areas near these waterways,” saad ni Cimatu.

Simula noong Pebrero 9 ay umabot na sa 49,509 bamboo culms ang naitanim na may kabuuang 173 hectares sa river banks ng Albay (8,500 bamboo culms), Camarines Sur (30,000 culms), Camarines Norte (10,000 culms), at Catanduanes (1,009 culms).

Nakahanda na rin ang 151,381 bamboo seedlings sa tanggapan ng DENR Bicol field office para itanim sa planting season sa Mayo.

Ang river bank stabilization activity sa pamamagitan ng pagtatanim ng bamboo culms sa Bicol region ay bahagi ng programa ng TFBBB na pinangungunahan ng DENR at sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Umabot sa 815 benipisyaryo ng DSWD’s Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang kinuha upang tumulong sa ginawang planting activity.

Ang mga pamilyang ito ay makatatanggap ng food packs mula sa DSWD’s food-for-work program na makukuha ng mga benipisyaryo sa huling araw ng pagtatanim.

Bukod sa mga ito ay tumulong din sa bamboo planting ang DPWH, Department of Trade and Industry, Department of the Interior and Local Government, local governments, National Irrigation Administration, National Housing Authority, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police at Philippine Army.

Iniuugnay ni Cimatu ang inisyatibong ito sa “whole-of-society approach” base na rin sa Executive Order (EO) No. 120 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Nobyembre 18, 2020.

Aniya, ang inisyatibong ito ay sumasalamin sa mga prayoridad ng administrasyon ni Duterte tungkol sa “disaster risk reduction and environmental resilience, livelihood restoration, national-level support to response system at the community level, and support to local government for managing recovery.

“Beyond restoring these areas to their pre-disaster state, our marching order from President Duterte is to enable affected families and communities to spring back stronger and better than ever,” paliwanag pa ni Cimatu.

Matatandaan na nilagdaan ni Pangulong Duterte ang EO 120 na bumubuo sa TFBBB upang matiyak ang “post-disaster rehabilitation and recovery efforts of typhoon-hit areas.”

Kabilang sa mga miyembro ng task force ang chairperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at secretary of Defense; secretaries of the Department of Human Settlements and Urban Development, National Economic and Development Authority, Transportation, Interior and Local Government, Energy, Trade and Industry, Agriculture, Budget and Management, Finance, Education, Health, Social Welfare and Development, Labor and Employment, Science and Technology; at general manager ng the NHA.

Kasama din sa mga miyembro ang Administrators ng NIA; Land Registration Authority; Local Water Utilities Administration; National Electrification Administration; Philippine Coconut Authority; at chair ng Cooperative Development Authority. Santi Celario


  •  
  •  
  •