Pagpapanatili sa agriculture chief nakababahala – UBRA

Pagpapanatili sa agriculture chief nakababahala – UBRA

May 30, 2022 @ 8:27 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkabahala ang United Broiler Raisers Association (UBRA) sa posibleng muling pagtatalaga kay William Dar bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) dahil umaasa silang ang susunod na pinuno ng agrikultura ay magpakita ng tunay na pangangalaga sa mga lokal na magsasaka.

Iginiit ni UBRA Chairman Gregorio San Diego, na namumuno din sa Philippine Egg Board Association sa panayam sa dzBB ang pagkabahala ng mga lokal na magsasaka, partikular na ang mas maliliit, sa pag-aangkat ng pamahalaan ng mga produktong agrikultural mula sa ibang bansa na nakaapekto sa kanilang cost of production.

Ayon kay San Diego, mandato ng DA na arugain at payabungin ang lokal na agrikultura at hindi ang mga importer.

Binigyan diin ng opisyal na walang direksyon kaya umaasa itong matapos na ang ganitong polisiya upang maariga ang mga magsasaka.

“Nangangamba kami dahil nagpe-present na si Secretary Dar na pwede pa siya kung gugustuhin nitong bagong administrasyon. Kaya sumulat din kami na wag naman. Sana ang malagay na secretary ng Department of Agriculture ay may malasakit sa local farmers,” dagdag pa ni San Diego.

Nauna nang pinuna ni UBRA President Elias Jose Inciong ang pahayag na inilabas ng DA, na binanggit ang kagustohang maglingkod ni Dar nang higit sa kasalukuyang termino. Sinabi ni Inciong na ang mga magsasaka ay nasa “napakahirap na sitwasyon” nang ang isang tulad ni Dar ay nagsisilbing kalihim.

Sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III, na ang muling pagtatalaga kay Dar bilang Agriculture secretary ay isang pinakamalaking pagkakamali ng susunod na administrasyon.

Sinabi ni Dar na ang DA ay tinitignan na ang pagsisimula ng mga pag-uusap sa transisyon sa kampo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa huling bahagi ng buwang ito, na isasama ang pangmatagalang estratehikong plano o roadmap, na tinatawag na National Agriculture and Fisheries Modernization and Industrialization Plan. Jocelyn Tabangcura-Domenden