Pagpapanatili sa PACC ‘di kailangan – Makalanyang

Pagpapanatili sa PACC ‘di kailangan – Makalanyang

July 8, 2022 @ 6:35 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hindi na kailangang panatilihin ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) dahil ang mga kapangyarihan nito sa pag-iimbestiga ay hindi umaayon sa pagsisikap ng administrasyong Marcos na pahusayin ang burukrasya, sinabi ng Malacañang ngayong Biyernes.

Sinabi ni Press Secretary Beatrix Rose “Trixie” Cruz-Angeles na inalis na ang PACC dahil ito ay “hindi naaayon sa streamlining.”

“First of all, its nature is investigative which can also be conducted by the Office of the Ombudsman. So, usually, ang ginagawa nila is they gather evidence on presidential appointees and file the case with the Ombudsman,” anang kalihim saPalace press briefing.

Sinabi ni Cruz-Angeles na ang isang complainant ay maaaring direktang magsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman para sa imbestigasyon.

“Sa madaling salita, may mga ahensya ng gobyerno na tinutugunan na ito kaya hindi na kailangan ng PACC,” aniya pa.

Ang PACC, na nilikha sa pamamagitan ng Executive Order 43 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 4, 2017, ay nagsisilbing lead agency na inatasan na alisin ang lahat ng uri ng katiwalian sa executive department.

May awtoridad din itong magsagawa ng lifestyle check at fact-finding investigation sa mga empleyado ng gobyerno na umano’y sangkot sa mga gawaing tiwaling.

Noong Hunyo 30, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order (EO) 1, na nag-abolish sa ilang mga opisina sa ilalim ng executive branch, na kinabibilangan ng PACC.

Inalis ng EO 1 ang PACC at ang Office of the Cabinet Secretary para makamit ang “simplicity, economy, and efficiency” sa burukrasya.

Sa ilalim ng EO, ang hurisdiksyon, kapangyarihan, at tungkulin ng PACC ay ililipat sa Tanggapan ng Deputy Executive Secretary para sa Legal Affairs. RNT