Pagpapapasok ng imported agri products sa Pinas, higpitan – grupo

Pagpapapasok ng imported agri products sa Pinas, higpitan – grupo

December 10, 2022 @ 1:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Dapat higpitan ng Department of Agriculture (DA) at ng Bureau of Customs (BOC) ang pagbabantay sa pagpasok ng imported agricultural products sa bansa, ayon sa agriculture group nitong Sabado.

“Dapat tutukan ng DA at BOC ang mga pumapasok na agricultural product sa bansa,” giit ni Rosendo So, presidente at chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).

Sinabi rin ni So na 10% lamang ng puslit na sibuyas ang nakumpiska ng mga awtoridad.

“Ten percent pa lang ng mga smuggled na sibuyas ang nasasabat,” aniya.

“Itong mga nasasabat na smuggled na sibuyas, maliit kumpara sa total ng mga smuggled onion na pumasok sa bansa,” dagdag ni So.

Halos P3.9 milyong halaga ng umano’y puslit na puting sibuyas ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Divisoria sa Manila kamakailan.

“Ang problema, for the past year, hindi nasampahan ng kaso ang ilang smuggler,” ani So.

Inihayag din niya na ilang importers ang nami-misdeclare ng kanilang produkto upang maipasok ang agricultural products sa bansa.

Nitong nakaraang weekend, nagbabala ang DA sa publiko laban sa pagbili ng sibuyas mula sa online platforms dahil posible umanong iligal itong nakapasok sa bansa.

Samantala, hinikayat ng grupo ang pamahalaan na bumili ng sibuyas galing ibang bansa upang ma-istabilisa ang suplay nito sa merkado at matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan.

Iminungkahi ng grupo ang pag-aangkat ng hindi bababa sa 2,500 metric tons ng pulang sibuyas at 3,500 metric tons ng puting sibuyas.

“We hope na kung maipasok yan eh maibenta nang P80 yung puting sibuyas at makakatulong yun. Doon sa pula at least baba ng P50 to P140,” ayon kay So.

Batay sa datos ng DA, ang umiiral na presyo ng pulang sibuyas sa Metro Manila ay P280 kada kilo.

Samantala, sa Kadiwa market, ang sibuyas ay mabibili sa halagang P170 kada kilo. Subalit, limitado lamang ang stock nito sa mga tindahang pinangangasiwaan ng pamahalaan.

Inihayag ng DA na binubusisi nito ang rekomendasyon na mag-angkat ng sibuyas. Sa kasalukuyan umano, mayroon itong hindi bababa sa 10,000 metric tons ng nasabing gulay para sa holiday season. RNT/SA