Pagpaparehistro ng SIM, libre – NTC

Pagpaparehistro ng SIM, libre – NTC

January 6, 2023 @ 4:15 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpaalala ang National Telecommunications Commission (NTC) nitong Biyernes, Enero 6 na libre ang pagpaparehistro ng SIM card.

Kasunod ito ng mga sumbong na natanggap na mayroon umanong mga indibidwal na naniningil ng halaga kapalit ng pagtulong na iparehistro ang SIM ng isang subscriber.

Ayon sa NTC, mahaharap sa parusa ang sinumang mahuhuli na gumagawa nito.

Ganito rin ang napansin ni PLDT at Smart FVP at Head of Group Corporate Communications Cathy Yang na bagong modus na nadiskubre nila kung saan ang mga SIM users ay sinisingil ng ilang indibidwal para makapagparehistro.

“They are charging a fee, if you need help with SIM registration, bayad ng fee. Libre po ang pag-register, at libre din po ang tulong na ibibigay ng Smart sa Smart Stores, booths at touch points. So just be assured that everything is free. Ito ang kauna-unahang scam na na-encounter namin,” sinabi ni Yang kasabay ng public briefing.

Ayon sa NTC, 8.31% o 14,050,125 SIMs ng lahat ng active SIMs ang naiparehistro na hanggang nitong Enero 4.

Sa kabila nito, ang epekto ng SIM registration na mapababa ang mga SMS-related scam o smishing ay makikita lamang sa oras na matapos na ang registration process nito sa Abril.

“So far po of course meron pa rin kaming natatangap na complaints kasi po, active pa naman po ang mga hindi nagre-register na scammer. They have until April 25, 2023 to register,” pahayag ni NTC officer-in-charge Commissioner Ella Lopez.

“Malalaman po natin ang effect after SIM registration, magkaroon ng assessment ang lahat ng relevant government agencies and law enforcement agencies. Ang goal lang namin po is matangal namin sila [scammers] ng isang kamay para sa di sila makapagloko ng mga tao,” dagdag pa niya. RNT/JGC