Pagpapataas ng technical, vocational skills ng mga OFW, magsasaka target ng TESDA

Pagpapataas ng technical, vocational skills ng mga OFW, magsasaka target ng TESDA

July 7, 2022 @ 7:40 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Hindi lamang ang pagpapataas sa kalidad ng technical at vocational skills ng mga Filipino overseas workers ang target ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kungdi ang maibilang ang sektor ng agrikultura sa mga proyekto nito.

Ito ay bilang pagtugon na rin sa pahayag ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos sa kaniyang inagurasyon ang kahalagahan ng sektor ng agrikultura lalo na sa pagtatamo ng food self-sufficiency na aniya’y napapanahon na dapat agarang maharap ng lahat ng ahensya ng gobyerno.

“The role of agriculture cries for the urgent attention that its neglect and misdirection now demands. Food self-sufficiency has been the key promise of every administration,” banggit ng pangulo.

Ipinaliwanag ni Deputy Director General for Operations Aniceto “John” Bertiz III na pamalagiang kaagapay ng sektor ng agrikultura ang TESDA at nananatiling prayoridad sa lahat ng programa, proyekto, serbisyo lalo na sa panahon ng pandemya.

Kaalinsabay nito ay nanawagan si TESDA Officer-in-Charge Director General Rosanna Urdaneta sa lahat ng empleado na higit na paunlarin ang kalidad ng technical and vocational skills ng mga OFW, ang para sa edukasyon maging ng agrikultura.

“I encourage everyone to diligently work together as a team towards the realization of

TESDA’s vision and mission. Let us not forget the discipline and work ethics that we

learned from Secretary [Isidro] Lapeña. Since unity is the main goal of President Ferdinand Marcos, Jr., let us show our own brand of unity through hard work here in TESDA,” ayon kay Urdaneta.

Tinukoy pa ni Urdaneta ang bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos ang pangangailangan na mapaunlad ang maging ang technical and vocational education curriculum upang maihanda at maging sandata ng mga manggagawang Pinoy lalo na aniya ng kabataan sa pakikipagsagupa sa global market.

“What we teach in our schools, the materials used, must be rethought. I am not talking about history. I’m talking about the basics, the sciences, sharpening theoretical aptitude and imparting vocational skills, such as in the German example,” ani Marcos.

Ani Bertiz, magiging bahagi ng kuwalipikasyon sa ilalim ng agriculture sector ang Organic Agriculture Production NC II, Agricultural Crops Production NC II, Agro-Entrepreneurship NC II, at iba pang katulad.

Naging pamalagian na rin aniya sa TESDA na maging aktibo sa pagsasanay sa mga magsasakang Pinoy sa ilalim ng Rice Extension Services Program (RESP) na nakapaloob sa Republic Act 11203, o mas kilala bilang Rice Tariffication Law.

Sinabi pa rin ng dating mambabatas na ang TESDA ay nagpapatupad ng dual-training system sa ilalim ng Enterprise-Based Training (EBT) kung saan ang pagsasanay ay nabakase sa theoretical at practical training ng Germany.

“Our EBT program takes place alternately in two venues: the school or training center and the company or workshop,” dagdag pa ni Bertiz. Meliza Maluntag