Pagpapatawag ng ‘fuel crisis special session’ moral obligation ng Pangulo – solon

Pagpapatawag ng ‘fuel crisis special session’ moral obligation ng Pangulo – solon

March 8, 2022 @ 7:28 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Tahasang iminungkahi ni Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means na kung mananatili ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay kailangan na aniyang magpatawag ng special session si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isinagawang Ad-hoc Committee hearing sinabi ni Salceda na makabubuting umaksyon na ang gobyerno ukol dito bago pa amn aniya lumalala ang sitwasyon.

“We need to draw a line on the sand. If by March 15, still above 100 [dollars a barrel], the President should call for a special session. It is his moral obligation to the people to provide relief because that means almost 75 days of suffering already,” giit ni  Salceda sa pagdinig ng ad-hoc committee, isa sa makapangyarihang komite sa Kamara.

Nanindigan pa ang kongresista na merong obligasyong moral si Pangulong Duterte upang gumawa ng hakbang gayung kasalukuyang pa lamang bumabangon ang ekonomiya ng Pilipinas mula sa pagkalugmok nito dulot ng pandemya.

Dahil sa pagtaas ng presyo ng langis ay sinabi ni Salceda na “ang mga epekto po nito ay ang electricity ay aakyat po agad-agad ng 20 sentimo, iyong gumagamit ng electricity na 200 ay tataas ng P40.00, ang jeepney fare ay P1.62 sentimos, sa tricycle ay P2.21 sentimos.  Definitely po panira ito ng momentum ng Pilipinas lalong lalo na sa panahon ng pandemya, sa panahong tayo ay nagre-recover na sa pandemya,” sinabi pa ni Salceda.

Sa panimula ng pagdinig ay sinabi ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo, chairman ng House Energy Committee na malamang sa susunod na linggo ay mararanasan na ng publiko ang malaking dagdag o pagtaas sa presyo ng langis.

“However, this is the sad fact but we have to find ways to mitigate this,” ani Arroyo.

Dahil sa pagpayag na makapagsagawa ng ad-hoc hearing ang Kamara de Representante ay pinasalamatann naman ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, chairman ng House Committee on Transportation si House Speaker Lord Allan Velasco.

Mahalaga aniya ang pagdinig ng apat na komite, energy, ways and means, transportation at economics dahil sa naka-aalarma anilang kalagayan ngayon ng suplay ng langis sa bansa bunsod ng nagaganap na giyera sa pagitan ng Russia at Ukrain.

“Dapat ang mangyari dito (adhoc committee meeting) ay solusyon na po at alam na po natin ang implikasyon tinatamaan poang buong bansa at ang buong mundo. Hindi po natin mapipigilan ang pag-angat po ng langis kasi wala naman tayong langis sa bansa natin,” ani Sarmiento.

Sa panig naman ni Rep. Sharon Garin, chairperson ng House Committee on Economics na kung sakalaing magpatawag man ng special session ay malamang matalakay din ang ukol sa panukalang pagbasura sa Oil Deregulation Law. Meliza Maluntag