Pagpapatayo ng permanenteng evacuation centers isusulong ni Eleazar

Pagpapatayo ng permanenteng evacuation centers isusulong ni Eleazar

April 19, 2022 @ 4:17 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipinapakita ng pananalanta ni Tropical Storm “Agaton” sa ilang bahagi ng bansa na kailangan nang magtayo ng permanente at ligtas na evacuation centers para sa mga nakatira sa disaster-prone areas, ayon kay senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar.

Ayon kay Eleazar, maraming Pilipino ang nangingiming magtungo sa evacuation centers dahil kadalasan ay siksikan sa mga ito at bago pa ang pandemya, ay mga classroom ang ginagamit kahit pa may isinasagawang klase.

“Ito ang minsang dahilan kung bakit mas pinipili pa ng iba nating kababayan na manatili na lang sa bahay kahit alam nila na delikado yun. Kung magkakaroon tayo ng matibay at ligtas na permanent evacuation centers, tiwala ako na mas magiging epektibo ang mga preemptive evacuation ng ating mga lokal na pamahalaan,” ani Eleazar.

“Local government units should no longer use school facilities as evacuation sites. Dapat paglaanan ang pagtatayo ng evacuation centers para mabigyan naman ng dignidad ang ating mga kababayan dahil wala namang may gusto na manatili sa evacuation centers kung hindi naman talaga kailangan,” aniya pa.

Kapag nahalal bilang senador, balak ni Eleazar na isulong ang pagtatayo ng permanenteng evacuation centers dahil ang ganitong programa ay nakabinbin pa sa Mataas na Kapulungan. Dati nang inaprubahan ng House of Representatives, o Mababang Kapulungan, ang panukalang batas nito para sa permanenteng evacuation centers.

Ayon kay Eleazar, sa permanenteng evacuation centers ay kailangang tiyak na may pagkain at inuming tubig na sasagutin ng pamahalaan o local government units habang may nakikisilong na evacuees.

Mas lalong kailangan ang mga ganoong pasilidad dahil madalas tamaan ng malalakas na bagyo ang Pilipinas, aniya.

Mas maraming buhay ang masasagip kung rerepasuhin at i-aadjust ang disaster response measures ng pamahalaan at local government units.

Sinalanta ni “Agaton” ang ilang lalawigan sa Visayas noong nakaraang linggo at kumitil ng mahigit 100 buhay.

Nagpapatuloy ang search and retrieval operation para sa dose-dosena pang nawawala. Jan Sinocruz