Pagpapatuloy ng COVID-19 response hamon sa sunod na admin

Pagpapatuloy ng COVID-19 response hamon sa sunod na admin

May 11, 2022 @ 3:05 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hamon sa susunod na administrasyon ang pagpapatuloy ng COVID-19 response ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Dr. Rontgene Solante, isang infectious diseases expert, dapat na paigtingin ng susunod na pangulo ng bansa ang pagbabakuna, pagpapahusay ng surveillance, at pagpaparami ng testing facilities kung saan maaari ring magsagawa ng genome sequencing.

Hinikayat din niya ang susunod na administrasyon na paghandaan ang susunod na pandemya.

“At importante pa rin palawakin natin ang pag-improve ng mga healthcare facilities, especially the government facilities, not only preparing for this pandemic but preparing also for the next pandemic or any emerging infectious diseases,” dagdag niya.

Sa isang interbyu naman, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na mayroon nang “playbook” ang sunod na administrasyon sa kung ano ang mga gagawin sa panahon ng pandemya.

Ipapasa rin aniya ng kasalukuyang administrasyon ang mga pinakaepektibong solusyon gaya ng health protocols at ang prevent, detect, isolate, treat, reintegrate, and vaccination strategies.

“Mabebenepisyuhan ang susunod na administrasyon kasi kumabaga meron nang playbook na maiiwan. Number two, marami na tayong mga policies, ‘yung mga issuances natin ng mga decisions, ‘yung mga policies natin na more than 200,” ani kalihim. RNT/ JCM