Pagpapatuloy ng mga proyekto ng nakaraang administrasyon, tiniyak ni PBBM

Pagpapatuloy ng mga proyekto ng nakaraang administrasyon, tiniyak ni PBBM

March 19, 2023 @ 2:18 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado, Marso 18, na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang mga proyektong sinimulan ng mga nagdaang administrasyon partikular na sa imprastruktura.

Kamakailan lamang ay inaprubahan ng pamahalaan ang 194 “high-impact” infrastructure projects na nagkakahalaga ng P9 trillion, kung saan nasa 70 sa mga ito ang napag-usapan na o sinimulan na sa nakaraang administrasyon.

“Mayroon tayo minsang ugali dito sa Pilipinas at sa ibang lugar din na kapag nagbago ang administrasyon, ang pag iisip ay lahat noong ginawa ng dating administrasyon ay tinitigil dahil sinasabi na walang magandang nangyari,” sinabi ng Pangulo sa kanyang YouTube vlog.

“Hindi tama yun… Hindi iyan ang pag-iisip na magdadala sa atin sa isang bagong Pilipinas,” aniya.

“Kung masusi naman ang pag-aaral at talagang may pakinabang ay talagang dapat ituloy,” dagdag pa nito.

Kabilang sa mga nais pagbutihin ng kasalukuyang administrasyon ay ang digital connectivity ng bansa, flood control, irrigation, water supply, health, power at energy infrastructure.

“Ang moderno at mas matibay na imprastraktura ay maghihikayat ng mas maraming investors sa ating bansa,” sinabi pa ni Marcos.

“Ito pong mga negosyanteng ito ay magdadala ng daang-libong trabaho sa atin at bilyong-bilyong kita sa ating bansa,” dagdag pa niya.

Kasabay nito, mayroon na ring adjusted guidelines ang National Economic and Development Authority (NEDA) para sa joint venture programs upang mas maging kaakit-akit ang Pilipinas sa mga mamumuhunan.

“Ang imprastraktura ay kaunlaran. Dala dala ang mga benepisyo na magpapaganda hindi lang ng ekonomiya kung hindi ang antas ng kalidad ng pamumuhay ng bawat Pilipino.” RNT/JGC