Pagpapatuloy ng search, rescue ops sa Maguindanao pagdedesisyunan na

Pagpapatuloy ng search, rescue ops sa Maguindanao pagdedesisyunan na

November 6, 2022 @ 11:26 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Maglalabas na ng desisyon ang pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) sa Lunes, Nobyembre 7 kung ipagpapatuloy pa ang search and rescue operations sa nawawala pa ring 17 indibidwal sa probinsya.

Ayon kay Maguindanao Provincial Administrator Atty. Cyrus Torreña, nag-iwan ang bagyong Paeng ng nasa 63 nasawi at 17 pa rin na nawawala dulot ng matinding pagbaha at landslides.

Ani Toreña, nagkasa na siya ng pagpupulong kasama ng PDRRMO upang magdesisyon sa susunod na hakbang kaugnay ng 17 nawawala dahil na rin sa abiso ng Philippine Coast Guard (PCG) na itigil na ang search and rescue operations at magtuloy na sa retrieval operations.

“Hanggang ngayon kahit medyo malabo na ang survival, hinahanap pa rin natin ang 17 na missing,” ayon kay Toreña sa panayam ng DZBB.

“‘Yung ating [PCG], ang kanilang advice ay i-give up na ang rescue and then totally mag-convert na tayo into retrieval. Ibig sabihin no’n, tatanggapin na natin na ‘yung ating 17 na missing ay posible na wala na talagang survivor,” dagdag pa niya.

Samantala, mayroon pang 4,000 na mga evacuees ang nananatili aa mga evacuation center.

Matatandaan na nauna nang nagpahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. tungkol sa mataas na fatality count sa Maguindanao dulot ng malalang pagbaha. RNT/JGC