Pagpapatuloy ng work immersion ng SHS students, oks sa DepEd

Pagpapatuloy ng work immersion ng SHS students, oks sa DepEd

April 28, 2022 @ 7:05 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Suportado ng Department of Education (DepEd) ang “reintroduction” ng physical work immersion sa gitna ng nagpapatuloy na progressive expansion ng face-to-face classes.

Ang pagsasagawa ng onsite work immersion para sa senior high school (SHS) students, na isang required subject para sa Technical-Vocational-Livelihood (TVL) track, ay sinuspinde sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ng DepEd na ang hakbang na payagan ang pagpapatuloy ng physical work immersion ay naglalayong palakasin ang active school participation at pagpa-plano para sa iba’t ibang service delivery conditions.

“We are strongly suggesting that work immersion should be implemented for the senior high school learners as they are nearest to accomplishing their postsecondary goals and dreams,” ayon kay Education Secretary Leonor Briones.

Sa isinagawang regional EduAksyon Press Conference kung saan hinost (host) ng DepEd MIMAROPA, binigyang diin ni Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio na ang ahensiya ay lumikha na ng guidelines o mga alituntunin hinggil sa work immersion bago pa ang COVID-19 pandemic.

“Puwede naman po kasi gawin ang immersion kahit hindi pa pinapayagan ang limited face-to-face classes noon, pero ngayong may face-to-face classes na, siyempre ibabalik natin face-to-face immersion,” paliwanag ni San Antonio.

“Maaring magkaroon ng pagkakataon sa aktwal na karanasan sa industriya ang mga mag-aaral sa senior high school hinggil sa kanilang specializations na napili,” dagdag na pahayag nito.

Aniya pa, ang onsite work immersion ay dapat na alinsunod sa guidelines ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19 (IATF).

Base sa kamakailan lamang na inaprubahang Revised Operational Guidelines on the Progressive Expansion of Face-to-Face Learning Modality (DepEd-DOH Joint Memorandum Circular No. 1, s. 2022), inatasan ng DepEd ang mga eskuwelahan na sumunod sa School Safety Assessment Tool (SSAT) na binago upang payagan ang mas maraming paaralan na muling magbukas.

Samantala, ibinahagi naman ni Assistant Secretary for National Academy of Sports and Field Operations Malcolm Garma na ang mga eskuwelahan na sumasailalim sa assessments ay dapat na iprayoridad na isama ang mga SHS students sa pagpapalawak ng in-person classes.

“Naniniwala tayo na ang Grades 11 and 12 ay kailangang bumalik sa kanilang klase, so ‘yong immersion natin ay kasama sa babalik sa ating face-to-face classes,” ayon kay Garma.

“Kung magkakaroon na sila ng immersion sa anomang industriya, isasailalim sila doon sa mga patakaran na pinaiiral ng IATF,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose