Pagpapatupad ng full F2F classes ‘di nagbago sa XBB, XBC variant – DepEd

Pagpapatupad ng full F2F classes ‘di nagbago sa XBB, XBC variant – DepEd

October 19, 2022 @ 3:53 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Education (DepEd) ngayong Miyerkules, Oktubre 19 na walang magbabago sa pagpapatupad ng five-day face-to-face classes sa Nobyembre kahit na nakapagtala ng bagong XBB subvariant at XBC variant ng COVID-19 ang bansa.

Sa press briefing, sinabi ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa na tuloy ang pagpapatupad nito sa Nobyembre 2.

Matatandaang sinabi ng Department of Health (DOH) na mayroon nang 81 kaso ng Omicron XBB subvariant at 193 kaso ng XBC variant sa bansa.

“Sa ngayon, wala pa tayong any advice on any change. In fact, kaka-issue lang natin ng DO 44 nung Monday. Tayo naman po sa [DepEd], of course, we will always take our cue from the advice given by the DOH pagdating sa mga health guidelines or any health concerns,” ani Poa.

“Sa ngayon, wala pa tayong pagbabago na maa-anunsyo doon sa amendatory DO na na-issue natin just two days ago,” dagdag niya.

Ang amendatory DO ay ang DepEd Order No. 44 na inilabas kamakailan kung saan pinapayagan ang mga pribadong paaralan na magpatuloy ng kanilang blended learning modality sa kabuuan ng taon.

Hindi naman sakop ng kautusang ito ang mga pampublikong paaralan at magpapatuloy pa rin sa itinakdang pagbabalik ng full face-to-face classes.

Dagdag pa, nagpapatuloy na ang koordinasyon ng DepEd sa DOH at iba pang ahensya ng pamahalaan upang bantayan ang sitwasyon sa mga paaralan.

Hahayaan din ng kagawaran ang lokal na pamahalaan na magbigay ng datos ng COVID-19 infections sa mga paaralan.

“Ayaw po natin ng conflicting numbers or figures ang binibigay natin and because all cases from schools have to be reported to the LESUs o ‘yung local epidemiology and surveillance units ng ating LGUs,” paliwanag ni Poa.

“We will defer po pagdating sa school level on the COVID cases sa ating mga LGUs dahil sila din ang nagve-verify ng mga na-report na COVID cases at sila rin po ang nagfo-follow up,” dagdag niya. RNT/JGC