Pagpapatupad ng Inclusive Education Law sa batang PWDs, tiyakin – Gatchalian

Pagpapatupad ng Inclusive Education Law sa batang PWDs, tiyakin – Gatchalian

December 4, 2022 @ 4:18 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sa gitna ng pagdiriwang ng International Day of Persons with Disabilities nitong Disyembre 3, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang administrasyon na tiyaking hindi mapag-iiwanan ang mga mag-aaral na may kapansanan sa pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsala ng COVID-19.

Ani Gatchalian, kinakailangan ang epektibong pagpapatupad ng Republic Act No. 11650 o ang “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.”

Ayon sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, mahalagang maitaas ang enrollment rate ng mga learners with disabilities na nananatiling mas mababa sa naitalang bilang bago tumama ang pandemya. Ayon kasi sa datos ng Department of Education (DepEd) noong Marso 14, 2022, may 126,598 na mga mag-aaral na may kapansanan ang nag-enroll sa mga paaralan ng DepEd para sa School Year (SY) 2021-2022, mas mababa ng 65% sa 360,879 na naitala noong SY 2019-2020.

Sa pagtalakay ng panukalang budget ng bansa para sa taong 2023, isinulong ni Gatchalian ang pagkakaroon ng pondo para sa Special Education program upang suportahan ang mga mag-aaral na may kapansanan. Upang matiyak na bawat rehiyon sa Pilipinas ay may modelong Inclusive Learning Resource Center (ILRC) for Learners with Disabilities, iminungkahi ni Gatchalian na itaas ang pondo ng capital outlay ng SPED sa 160 milyong piso mula 96 milyong piso.

Nanindigan din si Gatchalian na isusulong niya ang regular at maigting na oversight sa pagpapatupad ng batas. Aniya, dapat tiyakin ng lahat ng mga pribado at pampublikong paaralan na walang mag-aaral ang mapagkakaitan ng edukasyon dahil sa kanilang kapansanan.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11650, ang mga ILRC ay may mandatong magpatupad ng mga programa para sa inclusive education at maghatid ng mga libreng support service sa mga mag-aaral, kabilang ang language and speech therapy, occupational therapy, physical at physiotherapy, probisyon ng mga kwalipikadong sign language interpreters, at iba pang mga serbisyo na makakatulong sa pag-aaral ng mga mag-aaral na may kapansanan.

Nais ding tiyakin ni Gatchalian na maaabot ng pamahalaan ang target na makapagpatayo ng hindi bababa sa isang ILRC kada school district, lungsod, o munisipalidad na itatayo ng DepEd sa pakikipagtulungan sa mga local government units. Ernie Reyes