Pagpapauwi sa 8 Pinoy na ginawang crypto-scammer sa Cambodia inihahanda na

Pagpapauwi sa 8 Pinoy na ginawang crypto-scammer sa Cambodia inihahanda na

January 19, 2023 @ 1:42 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagpapauwi sa walong overseas Filipino workers na pinagtrabaho bilang crypto scammer sa Cambodia.

Ito ang pagbabalita ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes, Enero 19.

“Our embassy in Phnom Penh has officially requested the DFA for funding for financial assistance for the Filipinos and also for the tickets, so hopefully that means that pretty soon they’ll be going home” pahayag ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa panayam ng CNN Philippines.

Matatandaan na inilantad nitong Miyerkules, Enero 18 ni Senador Risa Hontiveros ang insidente ng human trafficking scheme sa Cambodia kung saan napilitan na magtrabaho bilang crypto scammer ang mga Pinoy doon.

Kung babalikan, inilantad ng isa sa mga biktima na si “Miles” ang pangyayari kung saan inalok para magtrabaho sa call center ang ilang mga Filipino ngunit nang makarating na sa Cambodia ay pwersahan silang ginagamit para manloko ng mga tao mula Estados Unidos at Canada.

Kapag hindi naman nakakakuha ng kliyente ang mga manggagawang Pinoy ay pwersahan itong pinagtatrabaho ng mahigit 16 oras kada araw at ang iba ay kinukuryente pa.

Kasalukuyan na umanong nakikipagtulungan ang Pilipinas sa Cambodian police para imbestigahan ang naturang kaso.

Umaasa naman si De Vega na maililipat na sa Philippine Embassy sa Phnom Penh ang mga nasagip na Filipino workers sa loob ng 24 na oras.

Ayon naman sa DFA, posibleng konektado ang pangyayaring ito sa nauna nang inilantad ni Hontiveros na human trafficking scheme sa Myanmar.

“This may be just the tip of the iceberg, there may be more cases because a lot of Filipinos who are brought there actually do continue working and do not indicate that they intend to go home, but some (who) are subjected to abuse have to be brought home,” ani De Vega. RNT/JGC