Pagpapauwi sa distressed OFWs sa Kuwait sisimulan na ng DMW

Pagpapauwi sa distressed OFWs sa Kuwait sisimulan na ng DMW

January 16, 2023 @ 5:33 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sisimulan na ng pamahalaan ang pagpapauwi sa distressed overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Kuwait.

Ito ang sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary for Foreign Employment and Welfare Services Hans Cacdac, kung saan mayroon umanong mahigit 400 OFWs ang namamalagi sa mga shelter sa nasabing bansa.

“Mga 421 kabayan ang nasa shelter at magsisimula ngayong araw ang pagpapauwi para mabawasan sila, at meron din tayong pagsusuri na kailangan muna rin silang mailipat, at least yung ilan sa kanila, sa isang pangalawang shelter,” pahayag ni Cacdac.

Kwento pa niya, may 50 OFW siyang isasabay sa kanyang pag-uwi habang nasa 100 hanggang 150 na OFWs naman ang isasama ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Arnell Ignacio.

Maliban dito, tinitingnan din ng pamahalaan ang posibilidad ng pagtatayo ng isa pang shelter sa Kuwait para sa mga distressed OFWs doon.

“Bunsod nung pangangailangan ng shelter, ay nagpapatingin din si Secretary Toots (Ople) kung…magkaroon na tayo ng isang bagong shelter para ma-accommodate ang mas malaking bilang,” ani Cacdac.

Matatandaan na nitong Sabado, Enero 14 ay nagpadala ang DMW ng team patungong Kuwait upang ayusin at suriin ang government-run shelter doon. RNT/JGC