Pagpasa ng panukalang participatory budgeting pinuri ni Robes

Pagpasa ng panukalang participatory budgeting pinuri ni Robes

July 11, 2021 @ 4:03 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Nakapasa na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang patatagin ang partisipasyon ng publiko sa pagtatalakay ng taunang budget sa kongreso.

Bago ang sine die adjournment, inaprubahan muna ng mga mambabatas sa ikalawang pagbasa ang House Bill No. 7407 o mas kilala bilang An Act Institutionalizing The Participation of Civil Society Organizations (CSOs) in the Preparation and Authorization Process of the Annual National Budget, Providing Effective Mechanisms Therefor, and for Other Purposes.

Malugod naman ang naging pagbati ng may akda ng naturang panukala na si Rep. Florida “Rida” Robes ng San Jose Del Monte City at sinabing isang hakbang na lang ang kailangan upang makapasa ito sa ikatlo at pinal na pagbasa sa kongreso.

Napakahalaga aniya itong sangkap sa proseso ng pagtalakay sa badyet dahil magiging lantad na sa mata ng publiko at maging sa mga ordinaryong mamamayan at organisasyon dahil bukas sa kanila ang lahat ng aspeto sa kabuuan ng pagtalakay sa badyet.

“One of the critical aspects of the budget process that we are doing in Congress is to ensure its transparency and accountability. Providing for a mechanism to ensure that people’s organizations participate in the process and give them a voice on how public funds will be spent is a giant step towards ensuring that the budget we pass in Congress is not only transparent, accountable but also inclusive and responsive to the needs of the people,” paliwanag ni Rep. Robes.

Ang Committee on People’s Participation na pinamumunuan ni Robes ang tumalakay at nag-apruba sa panukala bago ito dalhin sa plenaryo.

Sa ilalim ng panukala, kung saan kabilang din sa umakda sina Reps. Rosanna Vergara (Nueva Ecija), Alfred Vargas (Quezon City), Yasser Alonto Balindong (Lanao Del Sur), Solomon Chungalao (Igugao), Macnell Lusotan (Marino Partylist), Gabriel Bordado (Camarines Sur) at Manuel Cabochan (Magdalo Partylist), pagkakalooban ng karapatan ang mga kinikilalang civil society organizations (CSO) na makilahok sa paghahanda ng badyet ng mga ahensiya ng pamahalaan, mga tanggapan binuo ng gobyerno at ng mga korporasyon na pag-aari at kontrolado ng pamahalaan, na kahalintulad na ipinagkakaloob na karapatan ng local development councils sa mga NGOs.

May karapatan din silang makatanggap ng abiso sa pagdinig at pagtanggap ng mga dokumento sa badyet pati na ang karapatang magsumite ng kanilang sariling alternatibong panukala o posisyon sa tatalakaying badyet. Kabilang din sa ibinigay na karapatan ang pago-obserba sa pagtalakay sa badyet, maging sa pagpupulong ng bicameral conference committee.

Bibigyan din sila ng karapatang lumahok bilang resource persons sa gitna ng deliberasyon ng badyet sa Kongreso.

Upang mapabilang, kinakailangang mabigyan ng akreditasyon ang isang organisasyon ng kani-kanilang tanggapan na kanilang kinakatawan. Sinomang opisyal ng pamahalaan ang pipigil sa mga CSO na makilahok sa proseso ay papatawan ng parusa ng mula isa haggang anim na buwang suspensiyon o pagbabayad ng multang mula P30,000 hanggang P100,000 o parehong kaparusahan. RNT