Pagpaslang sa 2 pari sa Mexico ikinalungkot ni Pope Francis

Pagpaslang sa 2 pari sa Mexico ikinalungkot ni Pope Francis

June 23, 2022 @ 1:30 PM 7 days ago


MANILA, Philippines- Ikinalungkot ni Pope Francis nitong Miyerkules ang talamak na karahasan na bumabalot sa Mexico, matapos barilin ang dalawang Jesuit na pari at isang lalaking naghahanap ng santuwaryo sa loob ng isang simbahan.

Nagpahayag ng kalungkutan at pagkadismaya ang Santo Papa sa mga pagpatay sa mga lalaking tinawag niyang “mga kapatid” sa kabundukan ng hilagang estado ng Chihuahua.

“So many murders in Mexico. I am close, in affection and prayer, to the Catholic community affected by this tragedy,” sabi ng Papa sa kanyang weekly audience sa Vatican.

Ang mga pari na sina Javier Campos, 79, at Joaquin Mora, 81, ay binaril sa bayan ng Cerocahui noong Lunes “habang sinusubukang ipagtanggol ang isang taong naghahanap ng kanlungan,” ayon sa utos, na kilala rin bilang Society of Jesus.

Ang tinutugis na lalaki, na nagtatrabaho bilang tour guide, ay napatay din at ang bangkay ay dinala kasama ng dalawang pari.

Humigit-kumulang 30 pari ang napatay sa Mexico nitong nakaraang dekada, ayon sa Centro Catolico Multimedial, isang Katolikong organisasyon.

Mahigit 340,000 katao ang napatay sa Mexico mula nang italaga ng gobyerno ang hukbo upang labanan ang mga kartel ng droga noong 2006.

Sinabi naman ni Mexican President Andres Manuel Lopez Obrador noong Miyerkules na pinangalanan ang diumano’y mamamatay-tao at may isinasagawang manhunt.

Ang suspek, na kinilala ng isa pang pari na naroroon sa simbahan, ay pinaghahanap dahil sa pagpatay sa isang turista sa US noong 2018,

“That area of the mountains has for some time been infiltrated, penetrated, dominated by crime,” sabi ni Lopez Obrador .

Ang tatlong bangkay ay inilagay sa likod ng isang pickup truck ng mga armadong lalaki, na tinakpan ng plastik saka dinala, ayon kay Padre Luis Gerardo Moro Madrid, pinuno ng mga Heswita sa Mexico.

“We demand justice,” ayon sa kautosan

Samantala, kinondena ng tanggapan ng UN High Commissioner for Human Rights sa Mexico ang mga pamamaslang, na nagsasabing ang mga pari ay nagsagawa ng “mahahalagang gawaing panlipunan at pastoral” sa mga Raramuri, o Tarahumara, mga Katutubong tao.

“The murder of these two well-known priests reminds us of the situation of extreme violence and vulnerability faced by the communities of the Sierra Tarahumara in Chihuahua,” sabi ni UN human rights representative Guillermo Fernandez-Maldonado.

Nanawagan na rin ang Mexican Episcopal Conference para sa isang mabilis na pagsisiyasat pati na rin ang pagtaas ng seguridad para sa mga klero ng bansa.

Karaniwan para sa mga lider ng relihiyon sa Mexico na kumilos bilang tagapagtanggol ng kanilang mga komunidad at bilang mga tagapamagitan sa mga criminal gang na nag-ooperate doon .

Sa mga estado tulad ng Michoacan at Guerrero, ang ilan ay nakipag-usap pa sa mga drug traffickers sa hangaring mapanatili ang kapayapaan sa mga mahihirap na rehiyon na kakaunti ang presensya ng gobyerno. Jocelyn Tabangcura-Domenden