Pagpaslang sa Albay broadcaster, kinondena sa Senado

Pagpaslang sa Albay broadcaster, kinondena sa Senado

July 20, 2018 @ 4:07 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Matinding kinondena ng ilang senador ang pagpaslang sa isang radio broadcaster sa Daraga town sa Albay, Bicol nang pagbabarilin ng mga salarin kahapon  ng umaga habang patungo sa kanyang programa sa dwZR.

Sa magkahiwalay na pahayag, kapwa sinabi nina Senador Sonny Angara at Grace Poe na isa na naman dagok ito sa demokrasya at kasumpa-sumpa ang insidente ang pagpaslang kay Joey Lllana, 38, isang blocktimer sa dwZR sa Legazpi City.

“Nakakangalit ang pagpatay sa isa naman na media practioner, si Joey Llana, isang broadcaster ng Metro Banat sa DWZR sa Legazpi City kahapon ng umaga,” ayon kay Angara.

“Dapat kinokondena ang ganitong karahasan laban sa practicing journalist, dahil walang puwang ang ganitong pangyayari sa sibilisadong lipunan tulad natin,” dagdag niya.

Namatay si Llana sanhi ng 14 gunshot wounds sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng di pa kilalang gunmen. Dalawang uri ng basyong bala, isang kalibre 45, at kalibre 9mmm ang nakuha sa lugar nang pinangyarihan.

“Ang pagpaslang sa radio anchor na si Joey Llana sa Daraga, Albay ay isang kasumpa-sumpang pangyayari na walang puwang sa isang lipunang demokratiko,” ayon naman kay Poe.

Sinabi pa nina Angara at Poe na dapat kumilos kaagad ang awtoridad upang madakip ang sinumang salarin at mastermind sa pagpaslang.

“I strongly urge the authorities to conduct an immediate investigation into this cowardly act and bring to the bar of justice the perpetrators at all cost. We cannot allow fear and impunity to reign in a democratic society,” ayon kay Angara

“Nananawagan tayo sa awtoridad na kumilos nang mabilis at maliksi para panagutin ang mga salarin,” dagdag ni Poe.

Sinabi pa ni Poe na ang dumaraming bilang ng mga mamamahayag na napapatay at ang mabagal na resolusyon ng mga kaso ay nagpapalakas sa loob ng mga pumapaslang sa mga miyembro ng media.

“Huwag nating hayaan na maraming buhay pa ang makitil dahil sa kulturang ito ng kawalang-pananagutan,” ani Poe. (Ernie Reyes)