Pagpasok ng baboy sa Guimaras, ipinagbawal na rin!

Pagpasok ng baboy sa Guimaras, ipinagbawal na rin!

October 16, 2022 @ 10:36 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipinagbawal na rin ng probinsya ng Guimaras ang pagpasok ng baboy, buhay man o karne dahil sa hinihinalang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa karatig-probinsya na Iloilo.

Ito ang nakasaad sa inilabas na Executive Order No. 2022-082 ni Governor JC Rahman Nava kung saan bawal na ang pagbyahe papasok sa probinsya ng mga buhay na baboy, karneng baboy kahit pa ito ay sariwa, frozen, cooked o processed food.

Ipinag-utos na rin ni Nava ang mahigpit na veterinary quarantine procedures sa galaw ng mga produktong ito sa limang bayan ng Guimaras.

Bawal din muna ang pagpasok ng mga sasakyan na nagbabyahe nito katulad ng livestock poultry carrier at hog vans.

Ipinag-utos na ng gobernador ang mahigpit na panuntunan at pagtutok sa mga border ng probinsya katuwang ang Guimaras Police Provincial Office, Philippine Coast Guard, Provincial Law Enforcement and Public Safety Task Force, Provincial Veterinary Office at mga lokal na pamahalaan.

Matatandaan nauna nang nagkaroon ng ganitong resolusyon ang probinsya ng Cebu kung saan ipinagbawal din nila ang pagpapapasok ng mga baboy na mula sa Iloilo at kabuuan ng Panay island. RNT/JGC