Pagpasok ni Razon sa Malampaya, pinabubusisi ni Gatchalian

Pagpasok ni Razon sa Malampaya, pinabubusisi ni Gatchalian

June 6, 2022 @ 10:45 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Sa kanyang pagbibigay diin sa pagsasaalang-alang ng kapakanan ng interes ng bansa, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang susunod na liderato ng Department of Energy (DOE) na tiyaking ipapatupad ang mga umiiral na batas at regulasyon bago pahintulutan ang napipintong pagbili ng Prime Infrastructure Holdings Inc. (Prime Infra) na pag-aari ni Enrique Razon sa Malampaya gas-to-power project.

“Ngayong ibinebenta na ni Dennis Uy ang business unit ng Udenna Corp. na nakakuha ng 45% na stake ng Chevron Malampaya LLC, patunay lamang na hindi tama ang naging pahayag dati ng DOE na may kakayahang teknikal at pinansiyal ang UC Malampaya Philippines Pte. Ltd. mula sa umpisa,” giit ni Gatchalian.

Patunay din ito aniya na may basehan siya, batay sa mga pinakahuling mga kaganapan, na ni-railroad o minadali ng DOE ang pag-apruba sa bentahan ng shares ng Chevron sa Malampaya at maliwanag na may paglabag sa batas na nangyari.

Sinabi ni Gatchalian na malinaw ang nakasaad sa batas na ipinag-uutos ng Department Circular 2007-04-0003 na ang mga karapatan at obligasyon sa ilalim ng Presidential Decree 87 ay hindi dapat italaga o ilipat hangga’t hindi lubusang nasusuri ng DOE.

Ang naturang transaksyon ay nangangailangan din ng pahintulot ng ibang nasa consortium na nagpapatakbo ng Malampaya, kabilang na ang Philippine National Oil Company-Exploration Corp. o PNOC-EC na nagmamay-ari ng 10% na shares sa Malampaya.

Ang Shell Philippines Exploration B.V. (SPEX) ang may hawak ng 45% shares na siyang operator mismo ng buong Malampaya gas field.

Naniniwala si Gatchalian na handang sumunod sa mga alituntunin ang Prime Infra lalo na’t nagpapahiwatig ito ng pagiging bukas sa pagsisiyasat sa ilalim ng umiiral na mga proseso ng pag-apruba ng transaksyon batay sa mga regulasyon.

“Dahil nag-iisang pinakamahalagang pinagkukunan ng enerhiya ang Malampaya sa ating bansa, kailangang masiguro na ang kumpanya o sinumang interesado sa Malampaya ay may kakayahang teknikal, pinansyal, at ligal gaya ng itinakda ng mga umiiral na batas upang makuha ang pahintulot ng gobyerno,” aniya.

“Inaasahan naming magiging transparent ang Prime Infra sa kanilang transaksyon upang maging epektibo ang proseso. Ang kinabukasan ng ating seguridad sa enerhiya ang nakataya dito para sa mga susunod na mga taon,” pagtatapos ng Senate Energy Committee Chairperson. Ernie Reyes