Pagpataw ng mas mataas na multa sa mga kolorum, legal – SC

Pagpataw ng mas mataas na multa sa mga kolorum, legal – SC

March 15, 2023 @ 7:43 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Idineklara ng Supreme Court na legal ang kautusan ng Department of Transportation, Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na itaas ang multa laban sa mga driver at operator ng mga “colorum” na sasakyan.

Ito ay matapos pagtibayin ng Supreme Court ang legalidad ng Department Order No. 2008-39 at ang naamyendahan na Joint Administrative Order No. 2014-01 na inisyu ng DOTr, LTO at LTFRB.

Ayon sa korte, lalong tumindi ang mga aksidente dahil sa naglipanang mga kolorum na sasakyan.

Iginiit ng SC na tungkulin ng estado na gumawa ng mga hakbang para matiyak ang kaligtasan ng bawat mananakay.

“Pursuant to its police powers devolving unto DOTC and its agencies, to place reasonable restrictions in the form of higher fees and stricter penalties upon the operation of motor vehicles,” nakasaad sa desisyon ng korte.

Sa ilalim ng D.O. No 2008-39 ipinapataw ang parusang P5,000 sa pagmamaneho ng nakainom ng alak, P10,000 sa pagmamaneho under the influence of drugs, P1,500 sa pagmamaneho ng walang lisensya at P400 sa pagmamaneho ng expired license.

Batay naman sa JAO 2014-01 ipinapataw ang multa na P50,000 sa Public Utility Jeepneys na bumabagtas sa mga ruta nang walang prangkisa, P6,000 sa mga motorsiklo, P120,000 sa sasakyan, P200,000 sa mga vans at P1 milyon sa mga bus. Teresa Tavares