Pagpatay kay Lapid ‘highly-probable’ na may kinalaman sa trabaho-NCRPO

Pagpatay kay Lapid ‘highly-probable’ na may kinalaman sa trabaho-NCRPO

October 5, 2022 @ 8:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng National Capital Region Police Office na ‘highly-probable’ o mataas ang posibilidad na konektado sa trabaho ang motibo sa pagpatay sa komentaristang brodkaster na si Percy Lapid.

“‘Yun (work-related) po ang tinitingnan (na angle). Highly probable po na doon po sa aming propesyon ‘yung tinitingnan,” ani NCRPO spokesman Lt. Col. Dexter Versola.

“It’s highly possible (na planado) kasi nakita naman natin, walang plate number yung sasakyan, at that time, madilim po, at yung pag-execute, ‘yung pagbaril mismo, dalawang putok lang, tapos umalis na. Yun po yung mga indicators na tinitingnan natin,” dagdag pa ni Versola.

“Kasama po sa backtracking kung ano po ‘yung naging komentaryo, mga programa po ni Percival. ‘Yun po ang tinitingnan anggulo, kung ano ‘yung mga naging komentaryo, nasabi doon sa kanyang broadcast sa programa,” aniya pa.

Si Lapid, na isang radio commentator sa DWIZ 882 KHZ at DWBL 1242 AM, ay pinatay noong Lunes ng gabi sa Las Piñas City malapit sa kanyang bahay.

Kinumpirma ni Versola na riding-in-tandem ang mga pumatay kay Lapid.

Isasailalim naman sa digital examination ang cellphone ng biktima, ani Versola.

Si Lapid ay isang mahigpit na kritiko ng administrasyong Duterte at ilang opisyal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines.

Binatikos din ni Lapid ang historical distortion ng Martial Law, at nagbabala tungkol sa mga panganib ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Sinabi ni Versola na ang SITG ay kasalukuyang walang impormasyon kung si Lapid ay nag-ulat sa mga awtoridad ng anumang mga banta na maaaring natanggap niya bago ang insidente ng pamamaril.

Ngunit sinabi ng kapatid ni Lapid, ang mamamahayag na si Roy Mabasa, na walang binanggit sa kanila ang pinaslang na broadcaster ng anumang banta laban sa kanya kamakailan. RNT