Pagpatay kay Lapid kinondena ng grupo ng mamamahayag

Pagpatay kay Lapid kinondena ng grupo ng mamamahayag

October 4, 2022 @ 11:49 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines ang pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid, na pinagbabaril nitong Lunes ng gabi sa Las Piñas.

“The killing shows that journalism remains a dangerous profession in the country. That the incident took place in Metro Manila indicates how brazen the perpetrators were, and how authorities have failed to protect journalists as well as ordinary citizens from harm,” ayon sa NUJP.

Anang NUJP isang mahigpit na kritiko si Lapid ng administrasyong Duterte at ilang opisyal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan kamakailan tinutuligsa niya ang mga panganib ng red-tagging, lalo na ang mga banta laban kay Judge Marlo Magdoza-Malagar matapos niyang ibasura ang proscription case ng Department of Justice laban sa Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).

Binatikos din niya ang historical distortion ng Martial Law, at nagbabala tungkol sa mga panganib ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Dagdag pa ng NUJP na si Lapid ang pangalawang mamamahayag na namatay sa ilalim ng administrasyong Marcos, matapos ang pananaksak sa radio broadcaster na si Rey Blanco sa Mabinay, Negros Oriental noong Setyembre 18.

“Nanawagan kami sa publiko na samahan kami sa pagkondena sa panibagong pagpatay sa isang mamamahayag. Nananawagan kami sa Pambansang Pulisya ng Pilipinas na panagutin ang mga salarin,” anang NUJP.

Sa kabilang banda, umaasa ang Manila City Hall Press Club (MCHPC) na mabibigyan ng hustisya ang nangyaring pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid sa Las Pinas kagabi.

Ayon kay MCHPC President JR Reyes, hindi dapat idamay ang media o mga mamahayag sakaling mabatikos ang sinoman dahil ang mga ito ay pawang mga mensahero lamang.

Giit ni Reyes, na dapat sa halip na targetin ang mga mamahayag ay harapin ng mga ito ang isyu at aksyunan para maresolba ang ano mang usapan.

Dalangin ni Reyes at ng buong pwersa ng mamahayag ng Manila City Hall Press Club na mapanagot ang may sala sa naturang krimen. RNT